top of page
Search
  • BULGAR

Pagkakaiba ng reclusion perpetua at life imprisonment

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | February 25, 2021



Dear Chief Acosta,


Ako ay person deprived of liberty (PDL) na kasalukuyang nakapiit sa New Bilibid Prison, Muntinlupa City, dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga. Ako ay hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo o life imprisonment. Itatanong ko lang kung ano ba ang pagkakaiba ng life imprisonment at reclusion perpetua? – PDL Romulo


Dear PDL Romulo,


Para sa iyong kaalaman, ang life imprisonment at reclusion perpetua ay parehong pinakamabibigat na parusa na maaaring ipataw ng korte matapos mabigyang-bisa ang Republic Act No. 9436 na nagbabawal sa pagpapataw ng death penalty. Ngunit, ano nga ba ang kaibahan ng dalawang parusang ito?


Una, ang life imprisonment ay sentensiyang ipinapataw sa mga mabibigat na pagkakasala sa ilalim ng mga special laws, samantala, ang reclusion perpetua naman ay mabigat na parusang ipinapataw sa mga kasong paglabag ng Revised Penal Code (RPC). Sa kaso ninyo, life imprisonment ang pinataw sapagkat ito ay paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165), na special law.


Pangalawa, ang life imprisonment ay walang nakapirming tagal na sentensiya, samantala, sa ilalim ng Article 27 ng RPC, ang reclusion perpetua ay tumatagal nang hanggang sa apatnapung (40) taon, o tatlumpung (30) taon kung ang person deprived of liberty (PDL) ay dumaan sa preventive imprisonment sa ilalim ng Article 29 ng RPC, na inamyendahan ng RA No. 10592.


At panghuli, ang life imprisonment ay walang kaakibat na accessory penalties, samantala, maaaring mayroong kasamang accessory penalty ang reclusion perpetua tulad ng diskuwalipikasyon, pagkasuspende sa pampublikong tanggapan, civil interdiction, at iba pa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mabawasan or maragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.

Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page