Pagkakaiba ng joint at solitary obligations
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 13, 2026

Dear Chief Acosta,
Kinumbinsi ako ng kaibigan kong si Leona na magsimula ng maliit na negosyo. Noong una ay hindi sana ako sasama dahil wala naman akong malaking perang panimulang puhunan. Nguni’t sabi ni Leona, siya diumano ang bahala sa kalahati ng kapital para makapanimula kami. Napagpasyahan namin na mangutang sa aming kapitbahay. Ang kabuuang pera na aming inutang ay umabot sa P400,000. Malinaw ang aming kasunduan na ang P200,000 ay babayaran ni Leona, P100,000 naman ang sa akin, at P100,000 sa isa pa naming kaibigan. Noong dumating ang takdang oras ng pagbabayad, sinisingil ako ng kabuuang halaga ng aming inutang. Gusto ko sanang malaman kung puwede bang singilin sa akin ang kabuuang halaga ng utang. — Capie
Dear Capie,
Ayon sa Article 1207 ng New Civil Code of the Philippines, ang pagkakaroon ng dalawa o higit pang mangungutang o debtor ay hindi nangangahulugan na ang obligasyon ng isa ay obligasyon ng lahat o iyong tinatawag na solidary obligations:
“ARTICLE 1207. The concurrence of two or more creditors or of two or more debtors in one and the same obligation does not imply that each one of the former has a right to demand, or that each one of the latter is bound to render, entire compliance with the prestation. There is a solidary liability only when the obligation expressly so states, or when the law or the nature of the obligation requires solidarity.”
Para ating lalong maintindihan, kailangan muna nating alamin ang konsepto ng tinatawag na joint obligation at solidary obligation. Sa tinatawag na joint obligation, ang bawat mangugutang ay may obligasyon lamang na bayaran ang parte niya sa utang. Ibig sabihin, hindi maaaring singilin sa iisang mangungutang lamang ang kabuuang halaga ng utang.
Sa kabilang banda, kapag naman ang obligasyon ay pumapasok sa tinatawag na solidary obligation, lumalabas na ang obligasyon ng isa ay obligasyon ng lahat. Kaya naman, kung may batas na nagsasabi na ang obligasyon ay solidary, o di kaya naman ito ay napag-usapan ng mga partido, ang kabuuang halaga ng utang ay maaaring singilin sa iisang tao lamang.
Nguni’t maliwanag ang batas na sa kalagayan ng tinawatag na solidary obligation, hindi ito maaaring ipinagpapalagay lang. Kailangang may batas na nagsasabi na ang isang obligasyon ay solidary, o di kaya naman ito ay malinaw na napag-usapan ng mga partido sa nasabing obligasyon, o kaya naman ayon sa uri ng obligasyon, kailangang ito ay maging solidary.
Kaya naman sa iyong sitwasyon, mayroong tatlong nangutang, si Leona, ikaw, at ang isa pa ninyong kaibigan. Ayon sa mga nabanggit na batas, ang pagkakaroon mo ng mga kasama sa pangungutang ay hindi awtomatikong nangangahulugan na maaaring singilin sa iyo ang kabuuang halaga ng utang, lalo na kung wala naman kayong malinaw na usapan tungkol dito. Dahil dito, hindi mo obligasyon na bayaran ang kabuuan ng utang. Ang maaari lamang singilin sa iyo ay ang parte ng utang na inyong napagkasunduan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments