Pagiging lehitimo ng bata, saklaw ng family code
- BULGAR

- 8 hours ago
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 18, 2026

Dear Chief Acosta,
Maaari po bang kuwestiyunin ang pagiging lehitimo at ang filiation ng isang bata sa isang petisyon para sa pagwawasto ng mga entry o correction of entries sa birth certificate ng naturang bata? Maraming salamat po sa inyong paglilinaw. — Yaris
Dear Yaris,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa mga kaugnay na kaso ng Korte Suprema. Para sa iyong kaalaman, ibinahagi sa kasong Lee vs. Lee (G.R. No. 180802, ika-01 ng Agosto 2022, isinulat ni Kgg. na Kasamang Mahistrado Marvic M.V.F. Leonen), ang mga sumusunod:
“The legitimacy and filiation of children cannot be collaterally attacked in a petition for correction of entries in the certificate of live birth. A petition for correction whose commanding intent is to impugn a child's filiation with a parent identified in birth records—and not merely to harmonize those records with self-evident facts—will be disallowed for being such a collateral attack.
Moreover, a petition for correction cannot proceed to allow the impugning party to gather the evidence denying filiation which that party lacks and hopes to have only by taking advantage of those proceedings. xxx the legitimacy of a child is governed by Article 171 of the Family Code, not Rule 108 of the Rules of Court”
Ibig sabihin, ang pagiging lehitimo o filiation ng isang bata sa kanyang magulang ay hindi maaaring kuwestiyunin nang indirekta o pahapyaw (collateral attack), gamit ang isang petisyon sa hukuman para sa pagwawasto ng mga entry sa sertipiko ng kapanganakan. Ang isang petisyon para sa pagwawasto ng mga entry, na ang pangunahing layunin ay salungatin ang filiation ng isang bata sa magulang na nakatala sa birth records (at hindi lamang upang itugma ang mga rekord sa malinaw at umiiral na mga katotohanan), ay hindi papayagan sapagkat ito ay itinuturing na isang collateral attack.
Higit pa rito, ang petisyon para sa pagwawasto ng entry sa talaang sibil ay hindi maaaring gamitin upang pahintulutan ang isang partido na mangalap ng ebidensiya upang itanggi ang filiation, kung sa simula pa lamang ay wala itong sapat na batayan at inaasahang makuha lamang sa pamamagitan ng nasabing mga proceedings. Samakatuwid, ang usapin ng pagiging lehitimo ng isang bata ay pinamamahalaan ng Article 171 ng Family Code, at hindi ng Rule 108 ng Rules of Court.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salayasay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments