top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Paggawa ng huling habilin ng may asawa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 21, 2020
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 21, 2020



Dear Chief Acosta,


May apat na dekada na kaming nagsasama ng asawa ko. Dahil sa katandaan ko ay naisipan ko nang paghandaan at simulan ang paggawa ng aking iiwang huling habilin. Nalaman ito ng asawa ko at nagkaroon kami ng hindi magandang pag-uusap tungkol dito. Pinipilit niya na hindi niya sasang-ayunan at papayagan ang aking paggawa ng huling habilin. Hindi niya diumano tanggap ang paraan ng pamimigay at paghahati ko ng mana na balak kong ipamahagi. Iginigiit niya na wala diumanong bisa ang huling habilin ko kung walang pagpayag at pagpirma niya rito bilang legal na asawa ko. Maaari ba talaga ako pigilan ng asawa ko sa paggawa ko ng huling habilin ko? Kinakailangan pa ba ang pagpayag niya para dito dahil lang kasal kami? Umaasa ako sa inyong magiging payo. - Murielle


Dear Murielle,


Ang paggawa ng huling habilin ay isang malayang gawain at sinumang tao na hindi pinagbabawalan ng batas ay maaaring gumawa nito. (Art. 796, Civil Code of the Philippines). Mula sa inyong salaysay, wala kaming nakikitang hadlang sa paggawa ninyo ng inyong huling habilin. Ang pagtutol ng inyong asawa rito ay hindi legal na balakid sa paggawa ninyo ng inyong sariling huling habilin.


Sa katunayan, hayagang itinatakda ng batas na ang kasal na babae ay maaaring gumawa ng kaniyang sariling huling habilin kahit na walang pagpayag ng kaniyang asawa. Ayon sa Civil Code of the Philippines:


“Article 802. A married woman may make a will without the consent of her husband, and without the authority of the court.” (Ibid)

Malinaw na itinatakda ng batas na nabanggit na hindi kailangan ang pagsang-ayon ng inyong asawa at maging ng korte para lang makagawa kayo ng huling habilin. Ang malayang paggawa ng huling habilin ng kasal na babae ay pinagtitibay rin ng probisyon ng naturang batas na nagsasabing:


Article 803. A married woman may dispose by will of all her separate property as well as her share of the conjugal partnership or absolute community property. (Ibid)

Nililinaw ng Article 803 ng Civil Code of the Philippines na maaaring ipamahagi ng kasal na babae ang lahat ng kaniyang hiwalay na pag-aari pati ang bahagi ng kaniyang ari-arian na pinaghahatian nila ng kaniyang asawa.


Ang batas na ito ay sinusuportahan din ng isang probisyon ng Family Code of the Philippines na nagdidiin sa kakayahan ng sinuman na ikinasal, maging babae man o lalaki na ipamahagi sa pamamagitan ng pamana ang kaniyang bahagi sa ari-arian nilang mag-asawa kung saan sinasabi nito na:


“Article. 97. Either spouse may dispose by will of his or her interest in the community property.”

Makikita sa mga nabanggit na batas na hindi nakasalalay sa inyong asawa ang paggawa ninyo ng inyong sariling huling habilin. Malaya kayong gawin ito sa kabila ng pagpigil o pagtutol ng inyong asawa dahil hindi batayan ang pagsang-ayon niya para magkaroon ng bisa ang inyong ginawang huling habilin.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page