Paggamit ng eplyido ng legal na nag-ampon
- BULGAR

- Sep 25, 2024
- 4 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Sep. 25, 2024

Dear Chief Acosta,
May tanong ako tungkol sa pagpapabago ng apelyido ko. Ang aking mga bayolohikal na mga magulang ay hindi kasal. Base sa sertipiko ng kapanganakan ko, walang nakalagay na pangalan ng aking ama. Nagpakasal ang aking ina sa iba at legal akong inampon ng kanyang napangasawa. Dahil dito, ang naging apelyido ko na ay ang apelyido ng asawa ng aking ina. Ngunit sa ngayon, gusto ko muling baguhin ang aking apelyido at ipalagay ang apelyido ng aking inaakalang bayolohikal na ama. Nais ko sanang ipabago ito para malaman ng mga tao sa amin na ako ay konektado sa kanya at sa pamilya niya. Maaari ko bang papalitan ang apelyido ko ngayon upang ilagay ang apelyido ng aking inaakalang bayolohikal na ama? Sana ay mabigyan niyo ng linaw ang aking katanungan. Salamat.
— Anand
Dear Anand,
Ang apelyido ng isang tao ay mahalaga sapagkat ito ang nag-uugnay sa kanya sa kanyang pamilya at nagpapakilala kung saan siya nabibilang. Ang ibinibigay na pangalan sa anak ay maaaring malayang piliin ng mga magulang ngunit ang apelyido nito ay itinakda ng batas.
Ayon sa Artikulo 408 ng New Civil Code of the Philippines, ang kapanganakan ng isang tao ay dapat irehistro sa civil register o rehistradong sibil, at ang pangalang nakalista dito ang itinuturing na kanyang opisyal na pangalan. Sa sandaling ang pangalan ng isang tao ay opisyal na naipasok sa rehistradong sibil, ang Artikulo 376 ng New Civil Code of the Philippines ay nagmamandato na walang sinumang tao ang maaaring magpalit ng kanyang pangalan o apelyido nang walang pahintulot mula sa hukuman. Ang pagbabawal na ito ay nakabatay sa interes ng Estado sa mga pangalang dala ng mga indibidwal at layuning pagkakakilanlan.
Ayon sa desisyon ng ating Korte Suprema sa kasong Francis Luigi G. Santos vs. Republic of the Philippines, et. al., G.R. No. 250520, May 05, 2021, sa panulat ni Honorable Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa, ang pagpapalit ng pangalan ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatan. Ito ay tinutugunan sa tamang pagpapasya ng hukuman. Ang kaginhawaan ay hindi maaaring ituring na isa sa mga puwedeng dahilan para sa pagpapalit ng pangalan o apelyido. Sinabi rin sa kasong ito na pinuputol ng legal na pag-aampon ang lahat ng legal na ugnayan sa pagitan ng taong inampon at ng kanyang bayolohikal na mga magulang. Nakalahad sa nasabing kaso na:
“Change of name is a privilege and not a matter of right. It is addressed to the sound discretion of the court. Convenience cannot be considered as one of, or a recognized ground for change of name.
While Luigi may factually identify and associate with his biological father and his family, he remains to be the legitimate son of Patrick Santos by virtue of the adoption. As adoption severs all legal ties between the adoptee and his or her biological parents, there is no basis to allow Luigi to change his name to ‘Revilla’ simply because he is, biologically, the son of Bong Revilla and wants to associate himself with the Revilla family. The mere fact that Luigi began using a different name, i.e., ‘Luigi Revilla’, when he joined show business does not constitute a proper and reasonable cause to legally authorize a change of name.”
Ipinaliwanag din sa kasong nabanggit sa taas ang mga maaaring dahilan upang makapagpalit ng pangalan o apelyido. Nakasaad sa nasabing kaso na:
“To justify a change of name however, a person ‘must show not only some proper or compelling reason x x x but also that he will be prejudiced by the use of his true and official name.’ The following have been considered as valid grounds for change of name: ‘(a) when the name is ridiculous, dishonorable or extremely difficult to write or pronounce; (b) when the change results as a legal consequence, as in legitimation; (c) when the change will avoid confusion; (d) when one has continuously used and been known since childhood by a Filipino name, and was unaware of alien parentage; (e) a sincere desire to adopt a Filipino name to erase signs of former alienage, all in good faith and without prejudicing anybody; and (f) when the surname causes embarrassment and there is no showing that the desired change of name was for a fraudulent purpose or that the change of name would prejudice public interest.’”
Sa iyong sitwasyon, ang iyong dahilan sa pagpapalit ng apelyido ay hindi sapat at hindi nabibilang sa mga nabanggit sa itaas. Hindi mo ito maaaring papalitan kung ang iyong dahilan lamang ay para malaman ng mga tao na ikaw ay konektado sa inaakala mong bayolohikal na ama at sa kanyang pamilya. Ayon sa batas, ang dapat at tama mong dalhin na apelyido ay ang apelyido ng asawa ng iyong ina na siyang legal na nag-ampon sa iyo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments