top of page
LET’S SEE - AGOT, BIANCA, DINGDONG ATBP. ATENISTA, TAMEME SA KAHIHIYAN NG ATENEO SA PAGKAM

Pray for Mindanao

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 13, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Bilang isang Mindanaoan, mabigat sa aking kalooban ang nangyaring malakas na lindol sa Mindanao noong Lunes ng umaga, June 8. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), magnitude 7.8 ang lindol na tumama sa Maasim, Sarangani, na naramdaman sa maraming lugar.  Ito ay sinundan ng maraming aftershocks na patuloy na nagdudulot ng takot sa ating mga kababayan.


Nakikiramay ako sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay. Ipinagdarasal ko rin ang agarang paggaling ng mga nasugatan at ang kaligtasan ng mga nawawala pa. Libu-libong mga kababayan natin ang napilitang lumikas, daan-daang pamilya ang tuluyan nang nawalan ng tirahan.


Sa ganitong sitwasyon, ang unang dapat bantayan ay ang kaligtasan ng ating kapwa. Kaya nananawagan ako sa ating mga local government units (LGUs) na magsagawa sa lalong madaling panahon ng masusing assessment sa mga gusali, bahay, paaralan, ospital, tulay, kalsada, at iba pang istruktura. At dahil patuloy pa rin ang aftershocks, hindi dapat ipagsapalaran ang buhay ng ating mga kababayan.


Mahalaga ang mabilis at maayos na koordinasyon. Kailangang maibalik agad ang kuryente at tubig sa mga lugar na apektado, lalo na sa mga ospital at evacuation centers. Bilang health reforms crusader, mahalaga sa akin na tuluy-tuloy ang serbisyo sa kalusugan lalo na sa panahon ng sakuna. Kapag may pasyente, sugatan, bata, matanda, o may sakit, hindi puwedeng mawalan sila ng mga serbisyong medikal.


Nanawagan din ako sa mga kinauukulang ahensya na bigyan ng agarang tulong ang mga nawalan ng kabuhayan. Maraming manggagawa ang apektado kapag nagsara pansamantala ang mga tindahan, negosyo, palengke, opisina, at iba pang establisyemento dahil sa pinsala. Kailangan nilang makakain, makabili ng gamot, at masuportahan ang kanilang pamilya habang hindi pa normal ang sitwasyon.


Dahil sa mga ganitong sakuna, patuloy kong isinusulong ang mas matibay na disaster resilience at mga programang makatutulong sa pabahay ng mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.


Ako ang principal author at co-sponsor ng Republic Act No. 12076, o ang Ligtas Pinoy Centers Act. Layunin ng batas na ito na magkaroon ng permanent, disaster-resilient, at fully equipped evacuation centers sa buong bansa. Kailangan ng ating mga kababayan ng ligtas, maayos, at disenteng matutuluyan tuwing may sakuna. Muli tayong nananawagan sa national government para sa full implementation ng batas ito.


Patuloy ko ring ipaglalaban ang Senate Bill No. (SBN) 173, o ang proposed Department of Disaster Resilience. Layunin nito na magkaroon ng isang nakatutok na ahensya para pag-isahin ang disaster risk reduction, preparedness, response, at rehabilitation efforts. Sa panahon ng kalamidad, mahalaga ang mabilis na aksyon, malinaw na sistema, at iisang direksyon sa pagtugon.


Kasama rin sa aking isinusulong ang SBN 415, o ang proposed Rental Housing Subsidy Program. Layunin nito na magbigay ng pansamantalang tulong sa pabahay sa mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa kalamidad habang sila ay nag-aayos, bumabangon, o naghahanap ng mas permanenteng matitirhan.


Sa tulong ng mga kapwa ko mambabatas at mga kasamahan sa gobyerno, magtatrabaho po ako sa abot ng aking makakaya para makatulong sa pag-ahon ng mga biktima ng malakas na lindol. Mahalaga po ngayon ang agarang return to normalcy, o pagbalik sa normal ng kanilang pamumuhay sa lalong madaling panahon.


Ngayong sunud-sunod ang krisis, nananawagan ako sa lahat na unahin muna ang serbisyo sa ating kapwa lalo na sa mga mahihirap. Ito ang panahon para magkaisa tayo para sa Pilipino.


Nitong June 10, bumisita tayo sa mga bayan ng Malapatan at Glan sa Sarangani upang personal na kamustahin ang ating mga kababayang naapektuhan at maghatid ng tulong sa abot ng ating makakaya. Katuwang ang mga lokal na opisyal na sina Malapatan Mayor Jun Sumbo Jr., Glan Mayor Tata Yap at Vice Mayor James Yap, namahagi tayo ng iba’t ibang assistance sa mga pamilyang nagsisikap na makabangon mula sa pinsalang dulot ng lindol.


Patuloy tayong makikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal at kinauukulang ahensya upang maipaabot ang tulong sa mga nangangailangan.


Samantala, noong June 3, personal nating tinulungan ang 87 fire victims sa BASECO sa Manila. Isinagawa ang relief operation sa pakikipag-ugnayan kina Councilor Charry Ortega, former Councilor Robert Ortega, at Barangay Chairman Diane Espinosa.


Nito namang June 8, nang aking mabalitaan na may nasunugan noong umaga ng parehong araw ay minabuti kong puntahan at kamustahin ang kalagayan ng mga kababayan nating nasunugan sa Brgy. 20, Maynila. Nakasama natin si Brgy. Captain Anthony Igus sa pag-iikot. Personal rin tayong naghatid ng tulong sa libo-libong pamilyang nasunugan sa Brgy. 275 sa Maynila katuwang sila Brgy. Captain Bernard Narito at mga kinatawan ng barangay.


Naging abala ang nakaraang linggo sa Senado. Ngunit sa kabila nito, tuluy-tuloy pa rin ang trabaho ng ating Malasakit Team sa mga komunidad para makatulong sa mga kababayan nating nangangailangan, kabilang ang mga fire victims sa Taguig City, Pasay City, Bacolod City, Negros Occidental, at Davao City.


Nagpaabot din tayo ng karagdagang tulong sa mga fire victims sa Bacolod City at San Carlos City sa Negros Occidental; Taytay, Rizal; Navotas City at Malabon City na patuloy na bumabangon. Doon, nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng tulong mula sa gobyerno para makabili ng construction materials na magagamit sa muling pagpapatayo ng kanilang mga tahanan.


Bukod dito, sa imbitasyon ni Mayor Gina Merilo, nagtungo rin ang ating Malasakit Team sa Tanauan, Leyte upang dumalo sa blessing at inauguration ng pinakabagong Super Health Center. Namahagi rin tayo ng grocery packs sa mga barangay health workers.


Nabigyan din ng tulong ng ating team ang mga scholars mula sa Dagupan City, Pangasinan noong nakaraang linggo.


Bilang inyong Mr. Malasakit, anumang pagsubok ang ating haharapin sa susunod na mga araw, patuloy akong magseserbisyo sa inyong lahat dahil bisyo ko na ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page