Hindi pag-aari ng mga senador ang Senado
- BULGAR

- 1 hour ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 13, 2026

Nasusulat sa 2 Timoteo 3:16, “Ang lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, pagsaway, pagtutuwid at pagsasanay sa kabutihan.” Malinaw na ang Salita ng Diyos ay dapat gamitin lamang sa kabutihan—sa pagtuturo, pagsaway, pagtutuwid at pagsasanay sa katuwiran. Hindi ito dapat gamitin sa panlilinlang, pagsisinungaling, pangungunsinti sa mali, pagtatanggol sa hindi makatarungan, o pagtataguyod sa kasamaan.
Kapansin-pansin ang maling paggamit sa Salita ng Diyos ng ilang nasa matataas na puwesto sa pamahalaan, kabilang ang ilan sa Senado. Noong nakaraang Miyerkules, nagsama-sama ang mga paring Protestante, paring Katoliko, mga pastor na Ebangheliko at sampung layko upang tuligsain at panawagan ng pagbabago ang nakagagalit at nakaiiskandalong asal ng ilang senador.
Alam ng lahat kung paano nalubog sa kontrobersiya ang Senado nitong mga nagdaang araw, mula nang biglang kumilos si Senador Alan Peter Cayetano sa mismong araw na ipinadala ng House of Representatives ang Articles of Impeachment laban kay Sara Duterte. Hindi simpleng pangyayari ang naganap. Mula noon, sunud-sunod na ang mga kaganapang sinubaybayan ng publiko na tila isang “telenobela.”
Hindi na kailangang isa-isahin pa ang mga ito. Sapat nang sabihing lalo nitong pinalala ang kahirapan at kawalang-katiyakang bumabalot sa bansa. Hindi ito ang kailangan ng mamamayan sa panahong patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin, lalo na ngayong may epekto rin ang sigalot sa pagitan ng Iran, Estados Unidos at Israel sa pandaigdigang presyo ng langis.
Malinaw rin sa marami ang ugat ng problema. Nabuo ang isang bagong mayorya ng mga senador na itinuturing na malapit sa kampo ni Sara Duterte. At anuman ang kanilang gawin, iisa umano ang pangunahing layunin—ang protektahan ang kanilang patron at kaalyado.
Subalit mabilis magbago ang ihip ng panahon. Biglang nawala ang isa at nahuli ang isa pa. Dahil dito, nabawasan ang bilang ng mayorya at naging patas ang puwersa ng magkabilang panig. Nang lumipat si Francis Escudero, naging 12 ang minorya kaya agad na idineklarang bakante ang lahat ng posisyon. Naging Acting Senate President si Sherwin Gatchalian at Majority Leader si Migz Zubiri.
Sa kabila nito, hindi bumaba si Alan Peter Cayetano sa pagiging Senate President dahil ayon sa kanya, 13 boto at hindi 12 ang kinakailangan upang siya ay mapalitan. Hangga't hindi ito nangyayari, siya pa rin umano ang nararapat na manatiling Senate President. “Eh 'di wow!” ika nga ng marami. Kaya ngayon, tila may dalawang pangulo at dalawang mayorya ang Senado.
Napakalinaw ng magulong sitwasyong ito. Paano mo patatakbuhin ang iisang barko kung dalawa ang kapitan at magkapantay ang bilang ng kanilang mga tagasuporta? Maaari sana kung iisa ang kanilang direksiyon, ngunit hindi iyon ang nakikita ng marami.
Noong isang linggo, nagpulong ang ilang paring Katoliko, mga paring Protestante, mga pastor na Ebangheliko at mga layko mula sa kanilang mga simbahan. Layunin nilang magkaroon ng iisang pananaw, pag-unawa at pagkilos sa mga usaping kinakaharap ng bansa.
Sa kanilang pag-uusap, napagkasunduan nilang isa sa mga pangunahing suliranin ang maling paggamit sa Banal na Kasulatan—ang paggamit sa Salita ng Diyos bilang usok na pampalabo at panlinlang upang ilihis ang atensiyon ng taumbayan sa tunay na problema at sa mga sanhi nito.
Si Alan Peter Cayetano ang isa sa mga unang nagpahayag ng: “People doubt me. But God does not doubt me.” O sa Filipino, “Maaaring magduda ang mga tao sa akin, ngunit hindi nagdududa ang Diyos sa akin.”
Para sa marami, ang ganitong pahayag ay nakagagalit, mapangahas at mapanganib.
Dahil dito, binuo ng mga paring Katoliko at Protestante, kasama ng mga pastor na Ebangheliko, ang grupong “Kingdom Keepers.” Inilunsad nila ito noong nakaraang Miyerkules sa Max's Restaurant sa Quezon Boulevard.
Nanawagan ang Kingdom Keepers sa mga senador na magdasal, mag-ayuno, suriin ang kalooban ng Diyos at gawin ang tama ayon dito. Hinimok din nila ang mga ito na itigil ang paggamit sa Banal na Salita ng Diyos bilang usok-pangtakip sa katotohanan.
Panahon na rin, ayon sa kanila, na ibalik sa taumbayan ang Senado. Hindi ito pag-aari ng sinumang senador, ng mayorya man o minorya. Kinatawan kayo ng sambayanan. Sila ang nagluklok sa inyo sa inyong mga posisyon, at sila rin ang may kapangyarihang managot kayo sa inyong mga ginagawa.
Ibalik ang dangal ng Senado. Ibalik ang integridad nito. Ibalik ang Senado sa taumbayang pinaglilingkuran nito.
Mahirap hanapin ang Kaharian ng Diyos kung sariling kaharian ang iyong itinatatag. Mahirap paglingkuran ang bayan kung hindi mo hinahanap ang Kaharian ng Diyos at hindi mo minamahal ang sarili mong bansa.





Comments