Paggamit ng chat messages bilang ebidensya sa kaso
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 19, 2026

Dear Chief Acosta,
Nais kong hingin ang iyong payo kaugnay ng isang maselang usapin na kinakaharap ng aming pamilya. Napag-alaman po namin na ang aming bunsong kapatid na babae, na 13 taong gulang pa lamang, ay nalinlang at pinagsamantalahan ng isang lalaking nasa hustong gulang na. Ang naturang pangyayari ay aming nadiskubre matapos naming mabasa ang mga chat messages sa Facebook Messenger sa pagitan ng aming kapatid at ng nasabing lalaki, kung saan malinaw na makikita na siya ay pinilit at nilinlang upang magpadala ng mga hubad na larawan.
Nang aming harapin ang lalaki, iginiit niya na diumano ay nilabag ang kanyang karapatan sa privacy at sinabi niya na diumano ay hindi maaaring gamitin laban sa kanya ang mga chat messages bilang ebidensya sakaling kami ay magsampa ng kasong kriminal. Totoo po ba ito? — Anton
Dear Anton,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa ating mga batas at kaugnay na mga kaso. Para sa iyong kaalaman, ipinahayag ng Korte Suprema sa isang kasong may kahalintulad na sitwasyon na ang karapatan sa privacy, bagama’t kinikilala at pinangangalagaan ng ating Saligang Batas, ay pangunahing nakalaan bilang panangga ng mga pribadong indibidwal laban sa panghihimasok ng Estado. Ibig sabihin, ang mga probisyon ng Bill of Rights, kabilang ang karapatan sa privacy, ay hindi awtomatikong naaangkop sa mga ugnayan at alitan sa pagitan ng mga pribadong indibidwal. Ayon sa nasabing kaso:
“Simply put, the right to privacy is "the right to be let alone.” While the above provision highlights the importance of the right to privacy and its consequent effect on the rules on admissibility of evidence, one must not lose sight of the fact that the Bill of Rights was intended to protect private individuals against government intrusions. Hence, its provisions are not applicable between and amongst private individuals.
In this case, the photographs and conversations in the Facebook Messenger account that were obtained and used as evidence against petitioner, which he considers as fruit of the poisonous tree, were not obtained through the efforts of the police officers or any agent of the State. Rather, these were obtained by a private individual. Indeed, the rule governing the admissibility of an evidence under Article III of the Constitution must affect only those pieces of evidence obtained by the State through its agents. X x x. However, where private individuals are involved, for which their relationship is governed by the New Civil Code, the admissibility of an evidence cannot be determined by the provisions of the Bill of Rights. X x x the DPA allows the processing of data and sensitive personal information where it relates to the determination of criminal liability of a data subject, x x x and when necessary for the protection of lawful rights and interests of persons in court proceedings.”
Cadajas v. People of the Philippines, G.R. No. 247348, 16 Nobyembre 2021, sinulat ni Associate Justice Jhosep Y. Lopez)
Sa naturang kaso, ipinaliwanag ng Korte Suprema na ang mga litrato at pag-uusap sa Facebook Messenger na ginamit bilang ebidensiya laban sa akusado ay hindi nakuha sa pamamagitan ng mga pulis o sinumang ahente ng pamahalaan, kundi ng isang pribadong idibidwal. Dahil dito, hindi maaaring gamitin ng akusado ang doktrina ng “fruit of the poisonous tree” o ang proteksyon ng Bill of Rights upang ipawalang-bisa ang naturang ebidensiya. Ang mga alituntunin sa admissibility of evidence sa ilalim ng Saligang Batas ay may bisa lamang kung ang ebidensiya ay nakuha ng Estado o ng mga kinatawan nito.
Dagdag pa rito, nilinaw rin ng Korte Suprema na ang Data Privacy Act ay hindi lubusang hadlang sa paggamit ng personal o sensitibong impormasyon. Sa katunayan, ayon sa nasabing batas, pinahihintulutan ang pagproseso at paggamit ng naturang impormasyon kung ito ay may kaugnayan sa pagtukoy ng kriminal na pananagutan ng isang tao, o kung kinakailangan upang maprotektahan ang mga karapatan at interes ng mga indibidwal sa isang paglilitis sa hukuman.
Sa iyong sitwasyon, ang mga chat messages ay nakuha sa pamamagitan ng iyong kapatid at gagamitin sa layuning magsampa ng kasong kriminal kaugnay ng isang seryosong paglabag sa batas. Dahil dito, hindi maaaring gamitin ng lalaking iyong irereklamo ang karapatan sa privacy bilang panangga upang hadlangan ang paggamit ng mga naturang mensahe bilang ebidensiya. Sa halip, ang batas mismo ang kumikilala na ang ganitong uri ng ebidensiya ay mahalaga sa paghahatid ng hustisya, lalo na kung ang biktima ay isang menor-de-edad.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments