Pagdampot ng ICC kay Du30, imbestigahan uli sa Senado — Sen. Imee
- BULGAR

- 2 hours ago
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | March 11, 2026

Photo: Sen. Imee Marcos - FB
Nais paimbestigahan ni Senadora Imee Marcos ang nangyaring pagdampot kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Marso 11 ng nakaraang taon.
Sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 340, muling pinabubusisi ni Marcos ang buong katotohanan sa umano’y koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan sa International Criminal Court (ICC) hinggil sa nasabing insidente.
“Isang taon nang palaisipan ang nangyaring paglapastangan sa karapatan ng ating kapwa Pilipino,” ani Marcos.
“Dapat ilantad na ang buong katotohanan at panagutin ang mga lumabag sa ating konstitusyon!” wika ni Marcos.
Giit ng senadora, kailangang mabunyag kung may naging pakikipagtulungan ang ilang ahensya ng pamahalaan sa ICC sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.
“Hindi nagtutugma ang kwento ng pamahalaan—malinaw na may nagsisinungaling!” giit ng senador.
“Paulit-ulit sinasabi na wala nang ugnayan at hindi na makikipagtulungan ang Pilipinas sa ICC, pero inamin din na nakipag-usap si Remulla sa mga tauhan ng ICC,” patuloy niya.
Dagdag pa ni Marcos, mahalagang maibalik ang tiwala ng mamamayan sa sariling sistema ng hustisya at matiyak na hindi mauulit ang anumang hakbang na maaaring maglagay sa alanganin sa soberanya ng bansa.
“Dapat walang Pilipinong matatakot sa sarili niyang gobyerno at magtatago sa dayuhan sa sarili niyang bansa,” pagtatapos ng senadora.




Comments