Pagdadala ng patalim, hindi sapat para ikulong
- BULGAR

- 14 hours ago
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 23, 2026

Dear Chief Acosta,
Nahulihan ako na may dalang patalim habang nanonood ng mga nag-titiktok sa kalsada. Ngayon, ako ay inaakusahan ng paglabag sa BP Blg. 6 at ang katwiran ng mga umaresto sa akin ay maituturing na paglabag na sa batas ang pagdadala ng patalim. Maaari na ba akong makulong o mapagmulta dahil sa pagdadala ko ng patalim? — Abogs
Dear Abogs,
Para sa iyong kaalaman, nakapaloob sa Section 1(3) ng Presidential Decree (P.D.) No. 9, na naging batas noong ika-2 ng Oktubre, 1972 at inamyendahan ng Batas Pambansa (B.P.) Blg. 6 noong ika-21 ng Nobyembre 1978, na:
“3. It is unlawful to carry outside of one's residence any bladed, pointed or blunt weapon such as 'knife', 'spear', 'pana', 'dagger', 'bolo', 'barong', 'kris', or 'chako', except where such articles are being used as necessary tools or implements to earn a livelihood or in pursuit of a lawful activity. Any person found guilty thereof shall suffer the penalty of imprisonment of not less than one month nor more than one year or a fine of not less than Two Hundred Pesos nor more than Two Thousand Pesos, or both such imprisonment and fine as the Court may direct.”
Hindi magkaiba o magkahiwalay na krimen ang gustong parusahan sa mga naturang batas. Sa kasong may titulo na People of the Philippines vs. Bercadez, G.R. No. 265123, July 29, 2024, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado ng Korte Suprema na si Jhosep Y. Lopez, sinabi ng Korte Suprema na:
“For the guidance of the bench, the bar, and the public, this Court now echoes the ruling in Purisima, in that the elements of the crime of violation of P.D. No. 9, as amended by B.P. Blg. 6 are as follows:
the carrying outside one's residence of any bladed, blunt, or pointed weapon, etc. not used as a necessary tool or implement for a livelihood; and
that the act of carrying the weapon was either in furtherance of, or to abet, or in connection with subversion, rebellion, insurrection, lawless violence, criminality, chaos, or public disorder.”
Sa iyong sitwasyon, may dalawang elemento na kailangan mapatunayan para masabing mayroon kang paglabag sa B.P. Blg. 6. Una, ang pagdadala ng patalim na hindi ginagamit na panghanap buhay o kinakailangan kasangkapan (necessary tool); at ang pangalawa, ang dahilan ng pagdadala ng patalim ay para isulong o may koneksyon sa subversion, rebelyon, insureksiyon, karahasan, kriminalidad o pampublikong kaguluhan. Wala ang pangalawang elemento sa iyong sitwasyon kaya maituturing na ang pagdadala mo ng patalim ay hindi krimen o paglabag sa probisyon ng Batas Pambansa Blg. 6.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments