Pagbitay sa kababaihan, 'di raw totoo... Trump, inakusahan ng Iran na gumagawa ng isyu
- BULGAR

- 1 day ago
- 1 min read
ni Jenny Rose Albason @World News | April 24, 2026

Ipinahayag ni US President Donald Trump na umano’y pumayag ang Iran na huwag ituloy ang pagbitay sa walong babaeng raliyista, matapos umano niyang makiusap at bilang pagpapakita rin umano ng respeto sa kanya bilang Pangulo ng Estados Unidos.
Ayon kay Trump, apat sa mga kababaihan ay agad na palalayain habang ang apat pa ay makukulong ng isang buwan. Tinawag niya itong “very good news” at iginiit na resulta ito ng kanyang direktang pakiusap.
Gayunman, pinasinungalingan ng mga otoridad sa Iran ang naturang pahayag. Ayon sa Iranian judiciary news agency na Mizan News Agency, walang nakatakdang pagbitay sa nasabing mga kababaihan at tinawag nilang gawa-gawa lamang umano ito ng Amerika.
Giit pa ng Iran, ginagamit lamang umano ni Trump ang isyu upang magpakitang-gilas at ilihis ang atensyon mula sa iba pang isyung pampolitika at tensyon sa rehiyon, kabilang ang usapin sa Strait of Hormuz.
Dagdag pa ng Iran, may ilang naarestong kababaihan na nakalaya na, habang ang iba ay nahaharap sa mga kasong maaaring humantong sa pagkakakulong ngunit hindi sa parusang kamatayan.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa White House at Iranian Foreign Ministry kaugnay ng magkasalungat na ulat.




Comments