top of page

Pagbibiro tungkol sa bomba, may multa at kulong

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 23, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Mula pa noong bata ako, sinasabi na ng ama ko na huwag akong magbibiro sa paliparan tungkol sa bomba. Ang pagbabawal na ito ba ay limitado lamang sa mga paliparan? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat po. — Shua





Dear Shua,


Pangunahing alalahanin ng Estado ang pagtiyak sa pangkalahatang kaligtasan at seguridad ng mga mamamayang Pilipino. Kaugnay nito, ang pamahalaan ay kinikilala at nakikiramay sa dinaranas ng mga taong nawalan ng mahal sa buhay dahil sa pambobomba at iba pang kahalintulad na karumal-dumal na krimen.


Ang Presidential Decree (P.D.) No. 1727, na kilala bilang Anti-Bomb Joke Law, ay tahasang nagbabawal sa sinumang tao na sadyang gumawa ng mga biro tungkol sa bomba. Ayon sa Seksyon 1 ng nasabing batas:


“Section 1. Any person who, by word of mouth or through the use of the mail, telephone, telegraph, printed materials and other instrument or means of communication, willfully makes any threat or maliciously conveys, communicates, transmits, imparts, passes on, or otherwise disseminates false information, knowing the same to be false, concerning an attempt or alleged attempt being made to kill, injure, or intimidate any individual or unlawfully to damage or destroy any building, vehicle, or other real or personal property, by means of explosives, incendiary devices, and other destructive forces of similar nature or characteristics, shall upon conviction be punished with imprisonment of not more than five (5) years, or a fine or not more than forty thousand pesos (P40,000) or both at the discretion of the court having jurisdiction over the offense herein defined and penalized.”


Malinaw sa batas na walang sinuman ang maaaring gumawa, magsabi, o magpahayag sa anumang paraan ng maling impormasyon tungkol sa pambobomba. Maaaring managot ang isang tao sa ilalim ng batas kung alam niya na ang impormasyong kanyang ipinakalat ay hindi totoo.


Kaya bilang sagot sa iyong katanungan, pinaparusahan ng batas ang pagbibiro tungkol sa bomba kahit saan. Hindi mahalaga kung saan ginawa ang maling pahayag o biro upang mapanagot ang isang tao. Samakatuwid, ang mga biro tungkol sa bomba ay ipinagbabawal hindi lang sa paliparan, kundi maging sa lahat ng iba pang lugar sa Pilipinas.


Para sa iyong kaalaman, maaaring ipataw ang parusang pagkakakulong na hindi hihigit sa limang taon o multang hindi lalampas sa ₱40,000 sa sinumang lalabag sa nasabing batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page