Pagbibigay ng deposito ng empleyado, bawal
- BULGAR

- Dec 7, 2024
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 7, 2024

Dear Chief Acosta,
Nagtatrabaho ako bilang isang panday sa isang tindahan ng alahas dito sa Maynila. Kamakailan ay may mga insidente ng pagnanakaw ng ginto na isinagawa ng mga empleyado. Kaya naman ang pamunuan ng aking pinapasukan ay nagsabing kailangan naming magdeposito ng 15% ng aming sahod para kung may mawala mang ginto ay ‘yun ang pambayad. Sinabi rin nila na ibabalik nila sa amin ang depositong iyon pagkatapos ng trabaho at pagkatapos na maisumite namin ang imbentaryo ng mga gintong aming natanggap para gawing alahas. Tama ba ang pamamaraang ito ng aking employer? — Mina
Dear Mina,
Ayon sa Article 114 ng Labor Code of the Philippines, hindi maaaring pilitin ng employer na magbigay ng deposito ang isang empleyado, na siyang sumagot sa anumang pagkawala ng produkto o pagkasira ng materyales ng employer, maliban na lamang sa ilang piling sitwasyon. Narito ang pahayag ng batas:
“Article 114. Deposits for loss or damage. – No employer shall require his worker to make deposits from which deductions shall be made for the reimbursement of loss of or damage to tools, materials, or equipment supplied by the employer, except when the employer is engaged in such trades, occupations or business where the practice of making deposits is a recognized one, or is necessary or desirable as determined by the Secretary of Labor in appropriate rules and regulations.”
Malinaw ang nakasaad sa nasabing batas na hindi maaaring basta na lamang magpataw ang employer ng isang patakaran kung saan ang empleyado ay inuutusan na magbigay ng deposito. Kadalasan, ang depositong ito ay hinihingi ng employer para ito ang kanilang gagamitin kung sakaling mayroong nasirang kagamitan o materyales, o mayroong nawawalang produkto.
Ang rason sa pagbabawal na ito ay dahil ang pagpapatupad ng ganitong uri ng patakaran ay magdaragdag ng pagpapahirap sa mga empleyado. Sa kaso ng Niña Jewelry Manufacturing of Metal Arts vs. Madeline C. Montecillio and Liza M. Trinidad (G.R. No. 188169, November 28, 2011), sa panulat ng Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Bienvenido L. Reyes, ay sinabi na:
“Articles 113 and 114 of the Labor Code are clear as to what are the exceptions to the general prohibition against requiring deposits and effecting deductions from the employees' salaries. Hence, a statutory construction of the aforecited provisions is not called for. Even if we were however called upon to interpret the provisions, our inclination would still be to strictly construe the same against the employer because evidently, the posting of cash bonds and the making of deductions from the wages would inarguably impose an additional burden upon the employees.”
Samakatuwid, malinaw na ipinagbabawal ng batas ang patakaran na atasan ang empleyado na magbigay ng deposito, maliban na lamang kung ito ay pasok sa mga eksepsyong binanggit sa nasabing batas. Upang maging legal ang ganitong uri ng patakaran, kailangang kostumaryo ito sa industriyang kinabibilangan ng employer o may regulasyon mula sa Kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nagpapahintulot dito.
Sa iyong sitwasyon, maaaring hindi tama ang naging patakaran ng iyong employer na kinakailangan ninyong magbigay ng deposito para siyang sumagot kung sakaling may mawalang ginto, kung wala itong mapapakitang kostumbre sa industriya ng pag-aalahas o kaukulang regulasyon mula sa DOLE.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments