Pagbenta ng vape sa minor
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 17, 2026

Dear Chief Acosta,
Ang anak ko ay 17-anyos. Kagabi, nakita ko ang isang disposable vape sa kanyang kuwarto. Kinausap ko siya at tinanong kung saan at paano niya nakuha ito. Agad akong pumunta at kinausap ang may-ari ng vape shop. Sabi ng may-ari, in good faith diumano siya at hindi siya puwedeng panagutin sa pagbebenta ng vape sa anak ko dahil diumano ay hindi mukhang menor-de-edad ang anak ko. Tama ba siya? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat. – Reggie
Dear Reggie,
Ayon sa mandato ng Estado na protektahan ang kapakanan at interes ng mga bata, naging polisiya ang pagsusulong at pagbibigay ng importansya sa kalusugan ng mga bata laban sa mga nakasasamang bisyo at posibleng adiksyon.
Ang Republic Act (R.A.) No. 11900, o Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Product Regulation Act, ay nagtatakda ng mga patakaran tungkol sa pagbili, pagbenta, at paggamit ng mga vape o katulad na produkto. Ayon sa Section 6 ng batas na ito, ang pinakamababang edad para makabili ng vape ay 18 taon:
“Section 6. Minimum Age Sales and Purchase. — The minimum allowable age for the purchase, sale and use of Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products, their devices, or Novel Tobacco Products shall be eighteen (18) years old.”
Malinaw sa batas na ipinagbabawal ang pagbebenta ng vape sa mga menor-de-edad. Bukod dito, sa ikalawang talata ng Section 6, malinaw na hindi puwedeng maging depensa ang hindi pagkakaalam ng edad ng bumibili. Ayon dito:
“It shall not be a defense for the person selling or distributing that he or she did not know or was not aware of the real age of the purchaser. Neither shall it be a defense that he or she did not know nor had any reason to believe that the product was for the consumption of a person below eighteen (18) years of age.”
Upang sagutin ang iyong katanungan, hindi puwedeng gamitin ang “good faith” bilang depensa sa pagbebenta ng produktong vape sa menor-de-edad. Tungkulin ng nagbebenta na tiyakin na ang bumibili ng kaniyang produkto ay nasa tamang edad. Ayon sa Section 7 ng parehong batas:
“Section 7. Proof-of-Age Verification. — Retailers shall ensure that no individual below eighteen (18) years of age is allowed to purchase Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products, their devices, or Novel Tobacco Products. It shall be the responsibility of retailers to verify the age of buyers. For this purpose, the presentation of any valid government-issued identification card exhibiting the buyer's photograph and age or date of birth shall be required. Retailers shall ensure direct delivery only to individuals who must be eighteen (18) years old and above.”
Ayon sa Section 23(b) ng parehong batas, ang sinumang nagbebenta na lalabag sa mga probisyong nabanggit ay maaaring patawan ng multa o kulong.
Nawa ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.








Comments