Pagbenta ng ari-arian ng mag-asawang ikinasal bago ang Family Code
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 24, 2026

Dear Chief Acosta,
Ang mga nagbenta ng ari-arian ay ikinasal bago pa man ipatupad ang Family Code. Gayunman, nang ibenta nila ang kanilang property, epektibo na ang Family Code. Sa ganitong sitwasyon, kinakailangan pa rin ba na parehong lumagda at magbigay ng pahintulot ang mag-asawa sa kontrata ng bentahan? – Anton
Dear Anton,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa ating mga batas at kaugnay na mga desisyon ng hukuman. Para sa iyong kaalaman, kahit pa ang kasal ng mga nagbenta ay naganap bago maipatupad ang Executive Order No. 209, o ang Family Code of the Philippines, ang bentahan ng ari-arian na isinagawa habang epektibo na ang nasabing Code ay saklaw at pinamamahalaan na ng nasabing batas.
Ang katotohanang ang kasal ay naganap bago ipatupad ang parehong Code ay hindi nag-aalis sa aplikasyon nito, sapagkat matagal nang kinikilala na ang Family Code ay may bisa rin sa mga kasal na naunang naidaos, lalo na pagdating sa mga disposisyon na ginawa habang ito ay epektibo na. Ito ay malinaw na ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Spouses Aggabao vs. Parulan, Jr. (G.R. No. 165803, September 01, 2010), sa panulat ni Honorable Chief Justice Lucas P. Bersamin, kung saan sinabi na:
“Secondly, the sale was made on March 18, 1991, or after August 3, 1988, the effectivity of the Family Code. The proper law to apply is, therefore, Article 124 of the Family Code, for it is settled that any alienation or encumbrance of conjugal property made during the effectivity of the Family Code is governed by Article 124 of the Family Code.”
Kaugnay nito, sa ilalim ng Articles 96 at 124 ng Family Code, tahasang itinatakda na ang anumang disposisyon o pagbebenta ng ari-ariang pag-aari ng mag-asawa ay nangangailangan ng pahintulot at pagsang-ayon ng parehong asawa, upang ito ay maging balido:
“Art. 96. The administration and enjoyment of the community property shall belong to both spouses jointly.
In the event that one spouse is incapacitated or otherwise unable to participate in the administration of the common properties, the other spouse may assume sole powers of administration. These powers do not include disposition or encumbrance without authority of the court or the written consent of the other spouse. In the absence of such authority or consent, the disposition or encumbrance shall be void.
Art. 124. The administration and enjoyment of the conjugal partnership shall belong to both spouses jointly.
In the event that one spouse is incapacitated or otherwise unable to participate in the administration of the common properties, the other spouse may assume sole powers of administration. These powers do not include disposition or encumbrance without authority of the court or the written consent of the other spouse. In the absence of such authority or consent, the disposition or encumbrance shall be void.”
Mula sa nabanggit, malinaw na ang anumang bentahan o disposisyon ng conjugal o community property na walang nakasulat na pahintulot ng asawa ay walang bisa. Ang kakulangan ng pahintulot (consent) ay hindi isang simpleng depekto lamang, kundi isang ligal na balakid na nagiging sanhi ng pagkakawalang-bisa ng kontrata.
Samakatuwid, ang petsa ng kasal ay hindi ang sukatan, kundi ang panahon kung kailan isinagawa ang bentahan. Kung ang kontrata ng bentahan (sale) ay ginawa habang epektibo na ang Family Code, kinakailangan ang pahintulot ng parehong asawa; kung wala ito, ang bentahan ay maaaring walang bisa sa mata ng batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments