top of page

Pagbebenta ng vape sa menor-de-edad, bawal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 4, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,

 

Isa akong retailer ng vape sa aming barangay. Isang araw ay bigla na lamang akong sinugod ng isang nanay na nagrereklamo dahil binentahan ko diumano ng vape ang kanyang anak. Diumano ay kakasuhan niya ako dahil binentahan ko ang kanyang anak na 17 taong gulang lamang. Hindi ko naman alam na menor-de-edad pala ang kanyang anak sapagkat mukha naman siyang matanda na. Maaari ba akong makasuhan sa pagbebenta ng vape sa isang menor-de-edad? Franklyn



Dear Franklyn,

 

Upang maprotektahan ang mga mamamayan mula sa mga panganib ng mga regulated, unregulated at substandard na vapor products at heated tobacco products, isinibatas ang Republic Act (R.A.) No. 11900 o mas kilala bilang “Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act.” Ang batas na ito ay may layunin na i-regulate ang pag-angkat, pagpulong, paggawa, pagbenta, pag-impake, pamamahagi, paggamit, advertisement, promosyon, at pag-sponsor ng vaporized nicotine at non-nicotine na mga produkto. Kasama na rin dito ang mga ginagamit na device, at mga makabagong produktong tabako (novel tobacco products).

 

Ang layuning ito ay naglalayong maisulong ang isang malusog na kapaligiran, maprotektahan ang mga mamamayan mula sa anumang potensyal na panganib ng mga bagong produktong nabanggit, mabawasan ang pinsalang dulot ng paninigarilyo, at masiguro na ang pagbebenta sa mga menor-de-edad at ang ilegal na kalakaran ng mga nasabing produkto ay mapigilan. Nakasaad sa Section 6 ng batas na ito na:

 

 “Section 6. Minimum Age Sales and Purchase. — The minimum allowable age for the purchase, sale and use of Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products, their devices, or Novel Tobacco Products shall be eighteen (18) years old.

 

It shall not be a defense for the person selling or distributing that he or she did not know or was not aware of the real age of the purchaser. Neither shall it be a defense that he or she did not know nor had any reason to believe that the product was for the consumption of a person below eighteen (18) years of age.”

 

Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang pinakamababang pinapayagang edad para sa pagbili, pagbenta, at paggamit ng vaporized nicotine at non-nicotine na mga produkto, pati ng device o novel tobacco products, ay 18 taong gulang. Ayon din sa batas, hindi maaaring maging depensa ng taong nagbebenta o namamahagi nito na hindi niya alam ang tunay na edad ng bumili. Hindi rin maaaring maging depensa na hindi niya alam o wala siyang anumang dahilan upang maniwala na ang mga nasabing produkto ay para sa pagkonsumo ng isang taong wala pang 18 taong gulang.

 

Sa iyong sitwasyon, maaari kang managot sa batas kung ang binentahan mo ng vape ay 17 taong gulang pa lamang. Bilang isang retailer, ikaw ay may responsibilidad na alamin ang edad ng mga mamimili at tiyakin na walang indibidwal na wala pa sa hustong gulang na 18 taong gulang ang makakabili ng paninda mong vaporized nicotine at non-nicotine products. Para sa layuning ito, ang pagpapakita ng anumang wastong ID na ipinagkaloob ng pamahalaan, na nagpapakita ng litrato at edad o petsa ng kapanganakan ng mamimili, ay kinakailangan. Ang patakarang ito ay nakasaad sa Section 7 ng parehong batas:

 

Section 7. Proof-of-Age Verification. — Retailers shall ensure that no individual below eighteen (18) years of age is allowed to purchase Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products, their devices, or Novel Tobacco Products. It shall be the responsibility of retailers to verify the age of buyers. For this purpose, the presentation of any valid government-issued identification card exhibiting the buyer’s photograph and age or date of birth shall be required. Retailers shall ensure direct delivery only to individuals who must be eighteen (18) years old and above.”

 

Kung kaya’t hindi depensa na mukhang nasa wastong gulang na ang iyong pagbebentahan ng vape upang ikaw ay makaiwas sa parusa ayon sa batas sapagkat dapat ay iyong tiniyak ang kanyang edad sa pamamagitan ng pagtingin sa ID na ipinagkaloob ng pamahalaan na nagpapakita ng kanyang litrato at edad o petsa ng kapanganakan ng bumibili.

 

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

 

Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page