Pagbawi ng reklamo, hindi nakapagpapatigil ng kaso
- BULGAR

- 24 minutes ago
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 7, 2026

Dear Chief Acosta,
May mga pagkakataon po na mahirap matukoy kaagad ang nagkasalang opisyal o kawani sa pamahalaan. Kaugnay nito, tulad po ba ng mga kasong kriminal o sibil, may hangganan o napapaso rin ba ang kasong administratibo? Ano rin po ba ang sinasabi ng mga tuntunin tungkol sa epekto ng pag-urong ng reklamo sa kasong administratibo? Awtomatiko po bang masasara ang kaso? — Gobta
Dear Gobta,
Ang sagot sa iyong mga katanungan ay maaaring matagpuan sa ating mga angkop na alituntunin at sa mga desisyon ng Korte Suprema.
Kaugnay nito, malinaw na itinakda ng Korte Suprema sa kasong Floria vs. Sunga (A.M. No. CA-01-10-P, 14 November 2001), sa panulat ni Hon. Associate Justice Angelina Sandoval-Gutierrez, na ang mga kasong administratibo ay hindi napapaso sa paglipas ng panahon:
“But the Court Administrator recommended the dismissal of the charge of immorality on the ground that Sunga and Aperocho failed to adduce evidence that Floria's immoral conduct is still ongoing. We cannot agree with the Court Administrator. Administrative offenses do not prescribe.”
Batay sa nabanggit na desisyon, hindi napapaso ang mga administratibong paglabag. Ibig sabihin, ang paglipas ng panahon ay hindi awtomatikong nagiging hadlang sa pagsasampa o pagpapatuloy ng isang kasong administratibo.
Hinggil naman sa iyong kaakibat na katanungan, malinaw namang nakasaad sa Seksyon 14, Rule 3 ng 2025 Rules on Administrative Cases in the Civil Service o RACCS, ang sumusunod:
“Section 14. Withdrawal of the Complaint.
The withdrawal of the complaint does not result in its outright dismissal or the discharge of the person complained of from any administrative liability.”
Samakatuwid, ang pagbawi o pag-urong ng reklamo ay hindi nagreresulta sa tuwirang pagbasura nito o sa pagpapawalang-sala o pagpapalaya ng taong inirereklamo mula sa anumang pananagutang administratibo. Dahil dito, hindi awtomatikong nasasara ang kasong administratibo dahil lamang binawi o iniurong ng nagrereklamo ang kanyang reklamo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay nakabatay lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments