top of page

Pagbaba ng bayarin sa kuryente, good news sa lahat

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 9 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | February 10, 2026



Boses by Ryan Sison


Malaking ginhawa para sa mga Pilipino ang patuloy na pagpapalakas ng gobyerno sa sektor ng enerhiya, lalo na sa panahon ng pagtaas ng presyo ng kuryente.

Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi lamang imprastruktura ang isinusulong ng administrasyon kundi pati na rin ang kapanatagan ng isip ng bawat pamilyang Pilipino.


Sa kanyang talumpati sa turnover ng pamamahala ng Caliraya-Botocan-Kalayaan Hydroelectric Power Plants (CBK HEPP) sa Kalayaan, Laguna, binigyang-diin niya na ang matatag at abot-kayang kuryente ang pundasyon ng maayos na ekonomiya at araw-araw na pamumuhay. Kapag may ilaw sa bahay, may trabaho sa pabrika, at tuluy-tuloy ang serbisyo ng ospital, ramdam ng taumbayan ang epekto ng mga desisyon ng pamahalaan.


Ipinakita ng pag-award ng CBK HEPP sa Aboitiz-led Thunder Consortium sa pamamagitan ng bidding process ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa sektor ng enerhiya ng bansa. Ang ganitong uri ng public-private partnership ay hindi lamang bentahan ng ari-arian, kundi estratehiya upang masigurong may sapat, maaasahan, at malinis na suplay ng kuryente para sa sambayanan.


Binubuo ang CBK HEPP Complex ng:

  • Caliraya Hydroelectric Power Plant – 39.52 megawatts

  • Botocan Hydroelectric Power Plant – 23.10 megawatts

  • Kalayaan Pumped-Storage Facilities – Kalayaan I (366 megawatts) at Kalayaan II (367.95 megawatts)


Sa kabuuan, halos 797 megawatts ang kapasidad nito, kaya’t itinuturing itong isa sa pinakamahalagang renewable energy resources sa Luzon. Ang pumped-storage system ng CBK ay simbolo ng matalinong paggamit ng enerhiya: iniipon ang lakas kapag mababa ang demand at ibinibigay kapag mataas ang pangangailangan. Sa ganitong paraan, nagiging mas episyente at environment-friendly ang suplay ng kuryente na direktang napapakinabangan ng mamamayan.


Hindi lang ang dami ng megawatts ang sukatan ng tagumpay ng proyektong ito, kundi ang epekto nito sa buhay ng karaniwang Pilipino. Kung ang privatization at pakikipagtulungan sa pribadong sektor ay magreresulta sa mas murang kuryente, maiwasan ang brownout, at mas maayos ang serbisyo, masasabi natin na ang enerhiya ay nagsisilbi hindi lamang sa negosyo kundi pati na rin sa bayan.


Kinakailangan lamang tiyaking mananatiling prayoridad ang interes ng publiko, may malinaw na pananagutan, at ang liwanag na hatid ng enerhiya ay tunay na umaabot sa bawat tahanan.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page