'Pag walang naipakulong na senador at cong. sa flood scam... Manok ni PBBM sa 2028, talo!
- BULGAR

- 19 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 29, 2026

KUNG NAIS NI VP SARA MAGING PRESIDENTE, DAPAT HARAPIN NIYA ANG IMPEACHMENT AT PATUNAYAN DITO NA WALA SIYANG IN-SCAM SA P650M CONFI FUNDS –Noong August, November, at December 2025, pati na noong January 2026, maganda ang ratings ni Vice President Sara Duterte sa mga survey. Gayunman, muling uminit ang isyu laban sa kanya nang magsampa ng panibagong impeachment cases noong Feb. 2, 6, at 23, 2026.
Kasabay nito, nabuhay muli ang alegasyon hinggil sa umano’y P650 million confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd). Dahil dito, sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, bumagsak ang kanyang ratings. Pinakamabigat sa mga isyung kinakaharap niya ang alegasyon ng korupsiyon, kung saan 51.5% ng mga Pilipino ang naniniwalang siya ay sangkot dito.
Malaki ang posibleng epekto nito sa kanyang kandidatura sa 2028 presidential election. Maaaring makabawi si Duterte kung haharapin niya ang mga impeachment case at mapapatunayang nagamit nang tama ang confidential funds, at wala siyang kinalaman sa anumang iregularidad.
Subalit kung iiwasan niya ang mga kasong ito at muling aasa sa Korte Suprema upang ipatigil ang impeachment proceedings, maaaring lalong bumaba ang tiwala sa kanya. Sa ganitong sitwasyon, mahihirapan siyang makuha ang suporta ng publiko sa 2028. Period!
XXX
MATATALO ANG MAMANUKIN NI PBBM SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION KAPAG WALA SIYANG NAIPAKULONG NA INCUMBENT SENATORS AND CONGRESSMEN NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL –Sa survey ng Pulse Asia, 16.7% ng mga Pinoy ang dismayado kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) dahil hindi pa napapanagot ang lahat ng sangkot sa flood control scandal. Samantala, 15.3% naman ang nadismaya sa kanya dahil sa hindi pagtupad sa pangakong may makukulong na mga korup na incumbent senators at congressmen bago mag-Pasko.
Sa kabuuan, umaabot sa 31% ang mga Pilipinong dismayado sa Pangulo. Kung hindi pa rin magkakaroon ng mapapanagot na mga opisyal bago sumapit ang 2028 elections, posibleng makaapekto ito sa magiging kapalaran ng sinumang kandidato na kanyang susuportahan. Boom!
XXX
KANDIDATURA NI ROWENA GUANZON FOR SENATOR, REJECT SA PDP LABAN NI FPRRD – Tinirya ni PDP-Laban Deputy Spokesperson Atty. Ferdinand Topacio si dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon, na sinasabing dikit na ngayon kay VP Sara Duterte at nag-aambisyong mapasama sa senatorial line-up ng Bise Presidente, gayong noon ay panay umano ang kanyang pagbatikos dito at kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte (FPRRD).
Dahil sa pahayag na ito ni Topacio, lumalabas na hindi umano isasama ng PDP-Laban na pinamumunuan ni FPRRD ang kandidatura ni Guanzon bilang senador. Period!
XXX
INUUNGGOY NG COMELEC ANG PUBLIKO SA ISYU NG SOCE – Nanawagan ang Comelec sa mamamayan na makiisa sa pagbabantay sa gastusin ng mga kandidato sa mga darating na halalan sa bansa.
Gayunman, para sa ilan, tila taliwas ito sa aktwal na naging karanasan sa ilang reklamo kaugnay ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE), na umano’y ibinasura ng ahensya. Kabilang dito ang mga kasong kinasangkutan nina Sen. Chiz Escudero at Sen. Rodante Marcoleta, na naabsuwelto sa isyu ng campaign fund at SOCE misdeclaration. Boom!




Comments