top of page

‘Pag sa Pasko wa’ pang nakulong sa flood control scam, malamang sablay pabida ni Sec. Dizon

  • 2 hours ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 6, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAPAT SIPUTIN NI CONG. ROMUALDEZ ANG SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE, KAPAG INISNAB NIYA IISIPIN NG PUBLIKONG MASTERMIND SIYA SA FLOOD CONTROL SCAM -- Sinabi ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson na sakaling siya uli ang mahalal na chairman ng Senate Blue Ribbon Committee sa Nov. 10, 2025 ay agad niyang bubuksan ang imbestigasyon sa flood control projects scam sa Nov. 14, 2025 at kabilang daw sa kanyang iimbitahang dumalo ay si Leyte Rep. Martin Romualdez.


Dapat dumalo si Romualdez sa imbitasyon sa kanya ni Lacson dahil pagkakataon na niya ito para patunayang hindi siya sangkot sa flood control scam pero kung iisnabin niya, iisipin talaga ng mamamayan na totoo ang alegasyon sa kanya ni Sen. Chiz Escudero na siya (Romualdez) ang mastermind sa naganap na flood control projects scam sa buong bansa, boom!


XXX


CEBU NILUBOG NG BAHA, KAYA DAPAT BIGYAN NG PRAYORIDAD NG ICI ANG IMBESTIGASYON SA 414 FLOOD CONTROL PROJECTS AT LAHAT NG SANGKOT SA KATIWALIAN KASUHAN AT IKULONG AGAD -- Nilubog ng tubig-baha, lampas-tao, lampas-bahay na baha ang Cebu dulot ng malakas na buhos ng ulan na dala ng Bagyong Tino.


Ang Cebu ang ikalawa sa mga probinsya na may pinakamarami na 414 flood control projects at ang trahedyang dulot ng baha na naranasan sa lalawigang ito ay patunay na karamihan sa mga proyektong iyan kundi ghost ay substandard at unfinished.

Kaya’t hindi na dapat pang magpatumpik-tumpik ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), iprayoridad nilang imbestigahan ang 414 flood control projects sa Cebu at ang lahat ng sangkot sa katiwalian, mga pulitiko, kontraktor at DPWH officials ay kasuhan agad at ikulong, na ‘ika nga dapat lahat sila mag-Pasko sa Quezon City jail, period!


XXX


KAPAG SA PASKO WALA PANG NAKUKULONG NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCAM, DAPAT LUBAYAN NA NI SEC. DIZON ANG MGA SABLAY NA PABIDA SA PUBLIKO -- Ibinida ni Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na marami raw sa mga sangkot sa flood control projects scam, na nasa 60 politicians, kontraktor at DPWH officials daw ang makukulong o magpa-Pasko sa kulungan.


Ganu’n? Sa usad-pagong na imbestigasyon ng ICI, asa si Sec. Dizon na may mga sangkot sa flood control scandal ang magpa-Pasko sa kulungan.


Kung totoo nga ang ibinida niyang ito, good news iyan para maranasan ng mga nangulimbat sa kaban ng bayan ang mamuhay sa city jail, pero kung pagsapit ng Pasko ay wala pang nakulong sa mga sangkot sa flood control scandal, ang pinakamainam na gawin ni Sec. Dizon ay lubayan na niya ang mga pabida niyang statement sa publiko para hindi siya sumasablay sa mga binibitawan niyang salita, boom!


XXX


PORKE HINDI NAKASAMA ANG NAME SA PINAKAKASUHAN NG ICI AKALA NI SEN. ESCUDERO SAFE NA SIYA, PERO HINDI PA PALA, TINATRABAHO SIYA NG OMBUDSMAN AT AMLC -- Hindi nakasama ang pangalan ni Sen. Chiz Escudero sa mga inirekomenda ng ICI sa Ombudsman na sampahan ng kasong plunder at graft, dahil ang mga pinakakasuhan lang na sangkot sa flood control projects scam ay sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, former Congressman Zaldy Co, ex-DPWH Usec. Roberto Bernardo, Commission on Audit (COA) Comm. Mario Lipana at dating Caloocan City Rep. Mitch Cajayon.


Inakala siguro ni Sen. Escudero ay safe na siya, pero hindi pa pala, dahil sinabi ni Ombudsman Boying Remulla na tinatrabaho na ng Office of the Ombudsman at Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang paper trail at cash trail patungkol sa sinabi ni Bernardo na ang kickback sa DPWH projects para sa ex-Senate president ay kay Maynard Ngu niya ibinibigay, period!

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page