‘Pag pina-stop na nman ng SC ang impeachment ni VP Sara, inis-talo na naman ang mga anti-Duterte cong.
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 21, 2026

SIRA ANG KREDIBILIDAD NG MAYOR'S FOR GOOD GOVERNANCE KAPAG NAG-VP KAY VP SARA SI MAYOR MAGALONG – Isa raw sa ikinukonsidera ni Vice President Sara Duterte na maging ka-tandem sa 2028 presidential election ay si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na mula sa Solid North.
Gayunman, malabo umanong tanggapin ni Mayor Magalong ang alok na maging bise presidente. Isa siya sa convenor ng Mayors for Good Governance (MGG), samantalang si VP Sara ay nahaharap sa kasong impeachment.
Kabilang sa mga isyung nakasaad sa complaint laban sa bise presidente ang umano’y iregularidad sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim nito.
Sa ganitong sitwasyon, kung papayag si Mayor Magalong na maging ka-tandem ni VP Sara, posibleng tutulan ito ng mga kasamahan niya sa MGG dahil maaari itong makaapekto sa kanilang kredibilidad. Period!
XXX
TIYAK INIS-TALO NA NAMAN ANG MGA ANTI-DUTERTE CONGRESSMEN KAPAG PINA-STOP ULI NG SC ANG IMPEACHMENT KAY VP SARA – Ayon kay La Union 1st district Rep. Paolo Ortega, walang malinaw na sagot si Sara Duterte hinggil sa mga kasong impeachment laban sa kanya. Aniya, ang sulat na ipinadala ng kampo ng bise presidente sa House Justice Committee ay nakatuon lamang sa pagkuwestyon sa mga teknikalidad ng proseso.
Dagdag pa ni Ortega, kung teknikalidad ang patuloy na isinusulong ng kampo ni Duterte, posibleng muli itong dumulog sa Supreme Court of the Philippines. Kung sakaling paboran ng Korte Suprema ang magiging petisyon at ipatigil ang impeachment proceedings, malaki ang posibilidad na muling mabigo ang mga kongresistang kritikal sa kampo ng bise presidente. Boom!
XXX
SA LAKI NI SEC. JONVIC REMULLA, KAYANG-KAYA NIYANG BITBITIN ANG MALIIT NA SI ZALDY CO PABALIK NG ‘PINAS – Matapos kumpirmahin ni Sec. Jonvic Remulla ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nasa Portugal ang puganteng si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, sinabi niyang pupunta siya sa nasabing bansa upang makipag-ugnayan sa mga otoridad ng Portugal para hilingin ang extradition ng dating kongresista. Ito ay kaugnay ng mga kasong kinasasangkutan nito na may kinalaman sa umano’y paglustay ng bilyon-bilyong piso mula sa kaban ng bayan.
Nagpahiwatig si Sec. Remulla na kung papayag ang pamahalaan ng Portugal sa kahilingan, posibleng maibalik si Co sa Pilipinas upang harapin ang mga kaso laban sa kanya. Abangan!
XXX
LIMANG PARTYLIST NA MAY REPRESENTATIVES NA NASANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL, DAPAT RESBAKAN NG MAMAMAYAN, IBASURA SA HALALAN – Sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), limang partylist representatives ang naiuugnay sa flood control scandal. Kabilang dito sina former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, former ACT-CIS Partylist Rep. Edvic Yap, CSW Partylist Rep. Edwin Gardiola, Uswag Ilonggo Partylist Rep. James An, at Pusong Pinoy Partylist Rep. Jett Nisay.
Dapat ngayon pa lamang ay tandaan na ng mamamayan ang kanilang mga pangalan at maging mapanuri sa halalan. Panagutin sila sa tamang proseso at tiyaking may pananagutan sa 2028 election. Period!




Comments