‘Pag naging presidente si VP Sara, nakikitang reresbak ito kina PBBM, FL Liza at Romualdez
- BULGAR
- 11 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 20, 2025

MARAMI SANANG SENATORIAL CANDIDATES NI PBBM ANG MANANALO KUNG NOON PA NAGBENTA NG P20/KILONG BIGAS SA MGA KADIWA STORES -- Sinabi ng Malacañang na ang P20 per kilong bigas ay hindi na lang pangako kundi polisiya na ng Marcos administration at patunay daw diyan na mas marami pang nakakalat na Kadiwa Stores sa buong bansa ang makapagbebenta na ng ganitong presyo ng bigas.
Kung noon o sa unang taon pa lang ng panunungkulan ni PBBM bilang presidente ng bansa ay pinursige na niya na makapagbenta ng P20 per kilong bigas sa mga Kadiwa Store, marami sana sa mga kandidato niya sa pagka-senador ang nagwagi sa nakalipas na halalan, period!
XXX
NAKIKITA NA NATIN NA KAPAG NAGING PRESIDENTE SI VP SARA, RERESBAK ITO KINA PBBM, FL LIZA AT SPEAKER ROMUALDEZ -- Malabo na talagang ma-impeach si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio kasi nga majority ng mga incumbent at mga na-elect na senador ang kontra sa pagpapatalsik kay VP Sara sa puwesto.
Dahil hindi mai-impeach si VP Sara ay ibig sabihin tuloy ang kandidatura niya sa pagka-
presidente ng ‘Pinas sa year 2028, at kapag naging pangulo ito (VP Sara), naku po, para na nating nakikini-kinita, reresbakan nito sina PBBM, First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez, abangan!
XXX
KUNG MAGPAPATULOY ANG BENTAHAN NG P20 PER KILONG BIGAS, MAY TSANSA ANG MAMANUKIN NI PBBM SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION -- Kung ang P20 per kilong bigas ay magagawa ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na maibenta na rin sa lahat ng pamilihan sa bansa, na hindi lang sa mga Kadiwa Stores ito mabibili, aba’y tiyak babango uli ang kanyang pangalan.
Kapag nagawa iyan ni PBBM na hanggang year 2028 may nabibiling P20 per kilong bigas sa lahat ng pamilihan, malaki ang tsansa na suportahan ng mayoryang Pinoy ang sinumang “mamanukin” niya sa 2028 presidential election, na ‘ika nga magkakaroon na talaga siya ng pantapat kay VP Sara, period!
XXX
KAHIT MAY P20/KILONG BIGAS, KUNG ANG WALANG KARISMA SA PUBLIKO NA SI SPEAKER ROMUALDEZ ANG MAMANUKIN NI PBBM SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION, HINDI NITO MATATALO SI VP SARA -- May karisma sa publiko ang dapat na ipanlaban ni PBBM kay VP Sara sa 2028 presidential election.
Kung sinuman ang mapipili ni PBBM na pulitikong may karisma sa publiko, tapos tuluy-tuloy pa rin ang P20 per kilong bigas na ibinebenta sa merkado, ay masasabing pantapat na ito sa popularidad ni VP Sara.
Pero kung si Speaker Romualdez ang mamanukin ni PBBM sa 2028 presidential election, kahit pa may ibinebentang P20 per kilong bigas sa merkado ay malabo nitong talunin si VP Sara, kasi nga ang House Speaker na ito ay walang karisma sa publiko, boom!
Comments