‘Pag nagawa ni Sen. Marcoleta maging state witness ang mag-asawang Discaya, mahuhubaran na ng maskara ang mga sangkot sa flood control scandal
- BULGAR

- May 27
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 27, 2026

SEN. PADILLA NA-BASH SA PAGSUPORTA SA CHA-CHA, KAILANGAN NIYANG BAWIIN ANG SINABI NIYA AT SAKA SUPORTAHAN ANG LABAN NI SEN. IMEE KONTRA-‘NO-EL’ — Matapos ibulgar ni Imee Marcos sa Senado ang umano’y plano ng administrasyong Marcos na isulong ang Charter Change (Cha-Cha) na may layuning magkaroon ng “No-El” o no election sa 2028 upang manatili umano sa puwesto hanggang 2031 ang mga halal na opisyal, kabilang si Ferdinand Marcos Jr., marami ang nagulat nang sabihin ni Robin Padilla na suportado niya ang ChaCha, kabilang ang Constitutional Assembly (ConAss).
Dahil dito, umani ng matinding batikos sa social media ang senador, lalo na mula sa mga tagasuporta ni Vice President Sara Duterte, dahil sa paniniwalang maaaring maging daan ang Cha-Cha upang mahadlangan ang kanyang posibleng kandidatura sa 2028 presidential election.
Para sa ilan, pinakamainam umanong gawin ni Sen. Padilla ang paglilinaw o pagbawi sa kanyang pahayag na pagsuporta sa Cha-Cha upang matigil na ang pamba-bash laban sa kanya. Maaari rin umano niyang ipahayag kung sumasang-ayon siya o hindi sa posisyon ni Sen. Imee Marcos laban sa umano’y planong “No-El” ng administrasyon. Period!
XXX
KAPAG NAGAWA NI SEN. MARCOLETA NA MAGING STATE WITNESS ANG MAG-ASAWANG DISCAYA, MAHUHUBARAN NA NG MASKARA ANG MGA TUNAY NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL — Bagamat hindi si Sen. Rodante Marcoleta ang naitalagang chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee, nahirang naman siya bilang vice chairperson ng naturang komite.
Dahil dito, malaki umano ang posibilidad na maging state witness ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya upang maituro at mabunyag ang mga tunay na sangkot at sinasabing mastermind sa flood control scandal. Abangan!
XXX
DAHIL SA MATAPANG NA PAGBUBULGAR NI SEN. MARCOLETA SA MGA KATIWALIAN, PINERSONAL AT INAKASUHAN DAW SIYA NG PLUNDER NG MARCOS ADMIN? — Kinasuhan ng Ombudsman ng plunder si Sen. Rodante Marcoleta kaugnay ng umano’y P75 milyong campaign funds donation noong 2025 elections, kahit iginiit na hindi naman umano ito nagmula sa kaban ng bayan.
Dahil dito, may mga nagsasabing tila pamemersonal umano ito ng administrasyon laban kay Ferdinand Marcos Jr., lalo’t kilala si Marcoleta bilang isa sa mga opisyal na matapang na bumabatikos at naglalantad umano ng mga katiwalian sa gobyerno. Period!
XXX
SEC. JONVIC REMULLA, PABIDA SA PAGPAPAHULI KAY SEN. BATO, PERO ‘NGANGA’ NAMAN SA PAGPAPAHULI SA MGA ‘TONGPATS’ COLLECTORS — Ibinida ni Sec. Jonvic Remulla ng Department of the Interior and Local Government na marami umano siyang inutusang pulis para tugisin at hulihin si Sen. Ronald dela Rosa kaugnay ng kasong crimes against humanity sa International Criminal Court.
Pero ayon sa mga kritiko, tila puro pagtugis kay Sen. Bato ang laman ng pahayag ni Remulla, samantalang hindi naman umano maaksyunan ang operasyon ng mga “tongpats” collector sa iba’t ibang lugar.
Binanggit ang mga alyas na “Roy Pulis” sa CAMANAVA; “Romy Lakay,” “Ricky Dugyot” at “John Bakulaw” sa southern Metro Manila; at “Rico” at “Adlawan” sa CALABARZON.
Kinuwestiyon din kung bakit hindi umano naaabisuhan o naaatasang magsagawa ng mas maigting na aksyon sina Northern Police District (NPD) Director B/Gen. Benliner Capili, Southern Police District (SPD) Director B/Gen. Glen Oliver Cinco, at Philippine National Police Director B/Gen. Hansel Marantan laban sa mga nasabing iligal na kolektor. Boom!




Comments