‘Pag na-impeach si VP Sara, may Sen. Bong Go pa na ipanlalaban sa 2028 pres’l election
- BULGAR

- Jun 30, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 30, 2025

BAHAY NI EX-P-DUTERTE FOR SALE NA, MASAMANG PANGITAIN ITO NA WARING HINDI NA MAKAKAUWI SA DAVAO CITY ANG DATING PRESIDENTE -- Nang kumpirmahin ni Honeylet Avancena, longtime partner ni ex-P-Duterte na for sale na ang bahay nila ng dating presidente sa Davao City ay puro sad reactions ang naging tugon dito ng netizens sa social media.
Malulungkot talaga ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS) kasi ang pagbebenta sa bahay ng dating pangulo ay masamang pangitain, dahil parang indikasyon ito na hindi na makakalaya at makakauwi sa kanilang tahanan si ex-P-Duterte na nakapiit ngayon sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands, tsk !
XXX
KAPAG NA-IMPEACH SI VP SARA, MALI ANG AKALA NG MARCOS ADMIN NA WALA NANG MABIGAT NA KALABAN ANG 'MANOK' NI PBBM DAHIL MAY SEN. BONG GO PA SI EX-P-DUTERTE SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION -- Kung inaakala ng Marcos administration na wala nang mabigat na makakalaban ang magiging "manok" ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa 2028 presidential election kapag na-impeach o napatalsik sa puwesto si Vice President Sara Duterte-Carpio ay nagkakamali sila.
May Sen. Bong Go pa si ex-P-Duterte na "maglalampaso" sa "manok" ni PBBM sa eleksyon.
Nasabi nating ilalampaso lang ni Sen. Bong Go ang presidential candidate ni PBBM dahil sa presidential survey ng Tangere Firm ay rank number 1 si VP Sara sa rating na 35%, rank number 2 si Naga City Mayor-elect, former VP Leni Robredo sa rating na 19% at nakadikit dito ang senador (Bong Go) na rank number 3 sa rating na 13%.
Ang nais nating ipunto rito ay kapag nagtagumpay ang Marcos admin na ipa-impeach si VP Sara, tiyak na ang rating niya na 35% ay mapupunta kay Sen. Bong Go at kapag in-add ang rating ng bise presidente na 35% sa rating ng senador na 13%, ang total nito ay 48%, na ibig sabihin, sure win ito sa pagka-presidente sa 2028 election, period!
XXX
WARING RAMDAM NA NI HARRY ROQUE NA MADI-DEPORT SIYA PABALIK NG ‘PINAS PARA MAKULONG SA KASONG NO BAIL -- Kapag nag-vlog si former presidential spokesman Harry Roque ay dalawa laging salita ang lumalabas sa bunganga nito, na kundi dapat mag-resign na raw si PBBM at ipasa na kay VP Sara ang pamamahala sa ‘Pinas ay nananawagan siya sa mamamayan na patalsikin na sa puwesto ang Pangulo para ang bise presidente (VP Sara) na ang maging presidente.
Sa tema ng mga pinagsasabing ito ni Roque ay waring ramdam na niya na ibabasura ng The Netherlands ang kanyang asylum, na ramdam na niyang malapit na siyang ma-deport pabalik ng ‘Pinas para makulong sa no bail na kasong qualified trafficking in person, boom!
XXX
SA LAKI NG BUDGET SA YEAR 2026, TIBA-TIBA NA NAMAN ANG MGA BUWAYA SA PAMAHALAAN -- Kinumpirma ni Dept. of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na papalo sa P6.793 trillion ang magiging national budget ng Marcos administration sa year 2026.
Sa laki niyan, tiba-tiba na naman ang mga ‘buwaya’ sa pamahalaan, buset!







Comments