‘Pag mastermind sa flood control scam ‘di nakasuhan, malamang ‘Pinas mag-no. 1 na sa pinaka-corrupt sa Southeast Asia
- BULGAR

- Oct 18
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 18, 2025

BAGSAK ANG RATING NINA PBBM AT VP SARA DAHIL PAREHO SILANG NASASANGKOT SA CORRUPTION -- Matapos ang anti-corruption rally noong Sept. 21, 2025 ay nagsagawa ng survey ang Social Weather Stations (SWS) na ikinomisyon ng Stratbase Group, at ang kinalabasan ng survey ay parehong lumagapak ang ratings nina Pres. Bongbong Marcos (PBBM) at Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, na ang dating performance rating ng pangulo na 48% ay bumagsak sa 43% at ang dating rating ng bise presidente na 53% performance rating ay bumagsak sa 45%.
Hindi naman talaga kataka-takang lumagapak ang kanilang ratings dahil pareho silang nasasangkot sa corruption, si PBBM ay nasisisi kung bakit pinirmahan ang 2025 national budget na may sangkatutak na insertions sa flood control project, at si VP Sara naman nasasangkot sa corruption sa kanyang confidential funds, boom!
XXX
GUSTO NG MAG-ASAWANG DISCAYA NA PALABASIN NA LEAST GUILTY SILA KAHIT NA P207B NA-SCAM SA KABAN NG BAYAN -- Ayon kay Atty. Cornelio Samaniego, abogado ng mag-asawang Discaya na kaya raw nagpasyang huwag nang makipagtulungan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang kanyang mga kliyente ay dahil sa sinabi raw ni ICI Commissioner Rogelio Singson na hindi umano puwedeng maging state witness ang mga Discaya dahil hindi raw least guilty ang mga ito sa naganap na flood control projects scam.
Aba, ang gusto palang palabasin ng mag-asawang Discaya na kahit pa ayon kay Sen. Ping Lacson ay higit P207 billion halaga ang kanilang na-scam sa pera ng bayan, ay nais nila na least guilty sila sa pang-i-scam sa kaban ng bayan, mga pwe!
XXX
TILA ISASAMA NI OMBUDSMAN REMULLA SI FPRRD SA KASONG MAY KAUGNAYAN SA PHARMALLY SCAM -- Binawi ni Ombudsman Boying Remulla sa Sandiganbayan ang kasong isinampa sa mga sangkot sa Pharmally scam, na ayon sa Ombudsman ay ire-refile din naman nila, bubusisiin daw nila ito, kaso mayroon daw na dapat isama sa case ang hindi naisama noon.
Malamang, ang isasama sa kaso ay si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) dahil sabi ni former Sen. Richard Gordon, na ang dating presidente raw ang pasimuno sa P12 billion Pharmally scam noong pandemya, period!
XXX
KAPAG MASTERMIND SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM HINDI NASAMA SA KAKASUHAN, MALAMANG ‘PINAS MAG-NUMBER 1 SA PINAKA-CORRUPT NA BANSA SA SOUTHEAST ASIA -- Sa corruption index ng Transparency International last year (2024) ay rank 4 sa pinaka-corrupt na bansa ang Pilipinas sa Southeast Asia, at ngayong year 2025 matapos na mabulgar ang sangkatutak na flood control projects scam ay pumalo na sa rank 3 ang ‘Pinas sa pinaka-corrupt na bansa sa Southeast Asia pa rin.
Kaya kapag hindi nasama sa mga kakasuhan ang pinaka-mastermind sa flood control projects scam, malamang next year o pagsapit ng year 2026 ay baka ‘Pinas na ang maitalang pinaka-corrupt na bansa sa Southeast Asia, boom!







Comments