top of page

Pag-discriminate sa empleyado base sa edad, bawal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 1, 2024
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 1, 2024


Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Sa ngayon ay nahihirapan akong maghanap ng trabaho dahil na rin sa aking edad na 44.  Maraming beses na akong nabigo sa pag-apply dahil diumano sa aking edad. Naiintindihan ko na may ilang trabaho na hindi na angkop para sa akin, subalit nais kong malaman kung may batas na nagbabawal ng diskriminasyon sa trabaho base sa edad? Salamat sa inyong tugon.


– Pedro



Dear Pedro,


Isa sa mga polisiya ng ating gobyerno ay itaguyod ang pagkakaroon ng pantay na oportunidad para sa lahat ng tao na naghahanap ng trabaho. Ayon dito, ipinagbabawal ang diskriminasyon sa mga manggagawa dahil lamang sa kanilang edad. Ito ay malinaw na nakasaad sa Seksyon 5(a) ng Republic Act (R.A.) No. 10911, na kilala bilang “An Act Prohibiting Discrimination Against Any Individual in Employment on Account of Age and Providing Penalties Therefor”, na nagsasaad na:


Section 5. Prohibition of Discrimination in Employment on Account of Age –

(a) It shall be unlawful for an employer to:

(1) Print or publish, or cause to be printed or published, in any form of media, including the internet, any notice of advertisement relating to employment suggesting preferences, limitations, specifications, and discrimination based on age;

(2) Require the declaration of age or birth date during the application process;

(3) Decline any employment application because of the individual’s age;

x x x


Ipinagbabawal sa ating batas, partikular sa Seksyon 5 ng R.A. No. 10911, ang pagkakaroon ng diskriminasyon sa trabaho dahil lamang sa edad ng isang aplikante o manggagawa. Kabilang dito ang paglalathala ng mga job advertisement na nagpapakita ng limitasyon base sa edad, paghingi ng edad o petsa ng kapanganakan sa proseso ng aplikasyon, at pagtanggi sa aplikasyon dahil lamang sa edad ng aplikante.


Kung kaya bilang kasagutan sa iyong katanungan gamit ang mga nasabing probisyon ng batas, hindi nararapat na ikaw ay hindi tanggapin sa trabaho dahil lamang sa iyong edad. Kung mapatutunayan mo na ikaw ay kuwalipikado para sa iyong nais pasukan na trabaho at naipakita ang mga kinakailangan na dokumento, maaaring masabi na may diskriminasyon kung ikaw ay hindi matatanggap dahil lamang sa iyong edad. Ang nasabing batas ay ginawa upang masiguro na ang lahat ng kuwalipikadong aplikante o empleyado ay magkakaroon ng pantay-pantay na oportunidad. Ito ay upang maiwasan na magkaroon ng mga biktima ng diskriminasyon base lamang sa edad sa kanilang mga papasukan o pinapasukan na trabaho.


Karagdagan dito, nais naming ipaalam na kung mapatutunayan na may lumabag sa R.A. No. 10911, maaaring silang maparusahan alinsunod sa Seksyon 7 ng nasabing batas. Ang parusa ay maaaring magdulot ng pagbabayad ng multa o pagkakakulong, o pareho, depende sa magiging hatol ng hukuman matapos ang pagdinig sa kaso.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page