top of page

Pabida ni PBBM na ‘di tataas ang presyo ng mga bilihin, sablay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 28
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 28, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


BAKA MATULAD SI VP SARA KAY NORMAN MANGUSIN NA PINATAWAN NG SC NG INDIRECT CONTEMPT – Ang pagpataw ng Supreme Court (SC) ng indirect contempt noon sa social media vlogger na si Norman Mangusin, na mas kilala bilang “Francis Leo Marcos,” ay maaaring mangyari rin kay Vice President Sara Duterte.


Matatandaang nang maghain ng kanyang kandidatura bilang senador si Mangusin sa halalan noong 2025, idineklara siya ng Commission on Elections (Comelec) bilang nuisance candidate at inalis ang kanyang pangalan sa listahan. Dahil dito, umapela siya sa Korte Suprema, na kalaunan ay pumanig sa kanya at inatasan ang Comelec na payagan siyang tumakbo.


Ngunit matapos payagan, bigla naman niyang inatras ang kanyang kandidatura.

Dahil dito, pinatawan siya ng SC ng indirect contempt bunsod ng kawalan ng respeto sa hukuman—humiling siyang payagang tumakbo, ngunit nang pagbiyan, umatras din.


Halos kahalintulad nito ang sitwasyon ni VP Sara Duterte. Nauna niyang iginiit sa Korte Suprema na hindi siya inimbitahan ng Kamara at hindi nakuha ang kanyang panig kaugnay ng impeachment complaints. Iginiit din na basta na lamang inihain ng House of Representatives ang Articles of Impeachment sa Senado noong Pebrero 5, 2025.


Dahil dito, ipinatigil noon ng SC ang impeachment proceedings at inatasan ang Kamara na sundin ang one-year bar rule. Inilatag din na kung magkakaroon ng panibagong impeachment complaint, dapat imbitahan at kunin ang panig ng bise presidente.

Ngunit ngayon na sinunod na ito ng mga mambabatas, hindi naman dumalo si VP Sara sa pagdinig ng House Justice Committee. Boom!


XXX


SA KAMARA, SANGKATUTAK ANG BOBOTONG YES SA IMPEACHMENT, SA SENADO SANGKATERBA ANG BOBOTONG NO KAY VP SARA – Ayon kay Atty. Michael Poa, mas nais umano ni VP Sara na humarap sa impeachment hearing sa Senado kaysa sa Kamara.


Marahil ay dahil sa Kamara, marami ang inaasahang boboto ng “yes” sa kanyang impeachment, samantalang sa Senado ay mas marami naman ang posibleng bumoto ng “no.” Period!


XXX


SABLAY ANG PABIDA NI PBBM NA HINDI TATAAS ANG PRESYO NG MGA BILIHIN – Sablay ang pabida ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) na hindi raw tataas ang presyo ng mga bilihin kahit may oil crisis dulot ng digmaan sa Middle East.


Mismong si businessman Steven Cua, pangulo ng Amalgamated Supermarkets Association of the Philippines, ang nagsabi na dahil sa oil price hike, magtataas na ng presyo ng mga bilihin sa merkado sa susunod na buwan. Period!


XXX


MATAGAL NANG MAY 12% VAT ANG SARDINAS AT INSTANT NOODLES, NGAYON LANG NAGBIBIDA-BIDA SI SEN. LOREN LEGARDA SA PAGKUWESTIYON DITO – Itinuturing ng ilan na pabida lamang ang pagkuwestyon ni Sen. Loren Legarda sa 12% value-added tax (VAT) sa sardinas at instant noodles.


Matagal nang umiiral ang 12% VAT sa mga produktong ito, kaya’t para sa iba, ngayon lamang ito kinuwestyon ng senadora. Kung tunay ang malasakit niya sa mahihirap na Pilipino, dapat noon pa niya ito naitaas o naipaglaban. Pwe!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page