P7-bilyong flood control projects sa Davao, nabuklat sa NBI probe

by BRO @News | September 26, 2026

Photo: Provincial Government of Davao de Oro / FB
Umabot sa tinatayang P7 bilyon ang halaga ng flood control projects na nakuha ng contractor na Genesis 88 mula 2018 hanggang 2024, habang 51 proyekto sa Davao City ang na-red flag ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa posibleng iregularidad.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, kabilang sa 100 flood control projects na sinuri ng kanilang ahensya ang anim na tinukoy bilang “strong candidates” na posibleng ghost projects.
May isa rin umanong proyekto na limang beses nakatanggap ng pondo sa loob ng iisang budget year, kahit magkakaiba ang project titles.
Dalawang beses itong nabigyan ng P21 milyon at tatlong beses naman ng P22 milyon, ayon kay Matibag.
Sinabi rin ni Matibag na ang may-ari ng Genesis 88 ay may malapit umanong ugnayan kay Davao Rep. Paolo “Pulong” Duterte.
Kapag makumpirma ng NBI na may naganap na krimen sa implementasyon ng mga proyekto, maaari nitong isumite ang rekomendasyon sa Department of Justice o Office of the Ombudsman.
Itinanggi naman ni Matibag ang alegasyon ni Duterte na bahagi ng political targeting sa kanilang pamilya ang imbestigasyon.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng NBI sa mga na-flag na proyekto.





Comments