P50K entry-level salary para sa titser, ibigay na
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | May 3, 2026

“Ibigay ang nararapat at hindi puro pakiusap—pagkilala sa mga tagahubog ng ating mga kabataan at isa sa mga haligi ng lipunan na patuloy na naglilingkod at nagbibigay ng serbisyo kahit sa hirap ng sistema sa ating bansa.”
Ito ang malinaw na mensahe ng mga guro at education workers na nagmartsa patungong Malacañang upang ihain ang kanilang petisyon para sa makatarungang sahod.
Sa gitna ng tumataas na presyo ng bilihin at patuloy na hamon sa ekonomiya, sinasabing hindi na sapat ang kasalukuyang kita ng mga guro para mabuhay nang disente. Ang panawagang P50,000 entry-level salary para sa lahat ng guro—pampubliko man o pribado—ay hindi luho, kundi pangangailangan.
Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines, kasama sa kanilang panukala ang P36,000 na basic pay para sa Salary Grade 1 at P1,200 na national minimum wage para sa lahat ng manggagawa. Ipinunto ng kanilang pamunuan na ang sistema ng edukasyon ay patuloy na tumatakbo hindi dahil sapat ang suporta, kundi dahil pinipilit itong buhatin ng mga guro sa kabila ng kakulangan sa sahod, hirap sa kondisyon sa trabaho, at walang sapat na tulong mula sa gobyerno.
Sa kasalukuyan, siyam sa bawat 10 guro sa pampublikong paaralan ay kumikita ng mas mababa sa family living wage. Mas malala ang sitwasyon sa pribadong sektor kung saan hindi standard ang pasahod at kadalasang mababa at hindi sapat.
Sa mga lokal na kolehiyo at unibersidad, nakaasa ang sahod sa kakayahan ng local government, habang sa state universities and colleges, nananatiling kulang ang entry-level pay para sa disenteng pamumuhay.
Hindi maikakaila na ang suliraning ito ay may direktang epekto sa kalidad ng edukasyon. Kapag ang guro ay pagod, kulang sa sahod, at walang katiyakan sa kinabukasan, naaapektuhan ang kanilang kakayahang magturo nang buong husay. Ang mga estudyante ang susunod na henerasyon at ang direktang maaapektuhan nito.
Ang laban ng mga guro ay hindi lang para sa kanilang sarili. Ito ay laban para sa mas maayos na edukasyon, mas handang kabataan, at mas matatag na kinabukasan ng bansa. Ang pagtaas ng sahod at pagbibigay ng sapat na suporta sa kanila ay isang pamumuhunan na babalik sa anyo ng mas maunlad na lipunan.
Matagal nang overdue ang ganitong hakbang. Hindi sapat ang papuri at pagkilala kung hindi ito sasabayan ng konkretong aksyon. Kung tunay na pinahahalagahan ang edukasyon, dapat ding pahalagahan ang mga taong nasa likod nito.
Ang pagbibigay ng makatarungang sahod sa mga guro ay hindi lamang usapin ng ekonomiya—ito ay usapin ng dignidad, respeto, at kinabukasan ng bawat Pilipino.




Comments