Mga dukha, hindi dapat iwan sa paglalakbay tungo sa pagunlad

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 14, 2026

Ang Linggo bago ang pista ng Kristong Hari o ang huling Linggo ng karaniwang panahon ay idineklara ni Papa Francisco na Pandaigdigang Araw ng mga Dukha. Ito ay idineklara ng Papa sa kanyang liham apostoliko, “Misericordia et Misera,” matapos ang “Extraordinary Jubilee of Mercy” noong 2016. Ang pinakaunang pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Dukha ay noong ika-19 ng Nobyembre 2017.
Ang pinakaunang tema nito ay: “Umibig tayo, hindi sa pamamagitan ng salita kundi sa gawa.” “Ang Panginoon, Kanlungan ng mga Dukha” ang tema sa pagdiriwang na gaganapin bukas, ika-15 ng Nobyembre 2026.
Upang ipagdiwang ang mahalagang araw na ito, magsasagawa ng payak at makabuluhang pagdiriwang ang Diyosesis ng Cubao. Dahil sa mga matinding nangyayari lalo’t higit sa kapaligiran at sa kalikasan, pinalawak sa ganitong tema ang “Ang Panginoon at Kalikasan, Kanlungan ng mga Dukha.” Sa kabila ng kahirapan ng marami na bunga ng hindi makatarungan at hindi pantay-pantay na pagtuturingan sa ating bansa, naririyan pa rin ang Panginoon na tumutulong at umaalalay sa lahat. Ang Kanyang kaagapay para dito ay ang kalikasan na pinagmumulan ng lahat ng materyal na pangangailangan mula sa tubig, pagkain, damit, pabahay, enerhiya at industriya.
Ngunit nagbabago na ang lahat dahil sa labis na pagdami ng tao at sa ilusyon ng “Walang Hanggang Pag-unlad” (Unlimited Progress/Development). Mula sa Rebolusyong Industriyal (Industrial Revolution), unti-unting lumaganap ang makina upang padaliin at pabilisin ang produksyon. Mula noong taong 1760-1840, naimbento ang “steam power,” o enerhiya mula sa tubig at singaw. At tuluy-tuloy na ang pag-imbento sa sari-saring makina na gumagamit ng kuryente at krudo at gasolina at gas. Pagdating ng ika-20 siglo, mabilis na rin umunlad ang enerhiyang nukleyar (Nuclear Energy) na ginamit para sa karaniwang pangangailangan hanggang sa malawakang pangangailangan ng industriya.
Napakabilis na ng pag-unlad sa pagpasok ng ika-21 siglo. At sa ika-26 na taon nito, 2026, pinag-uusapan at kinahuhumalingan ng marami ang tila “walang hanggang” kakayahan ng “digital technology,” partikular na ang “Communication Technology” (mobile phones) at ang “Robotics,” ang teknolohiya ng robot. At pinagsama na ang lahat ng mga ito sa pinakamainit na teknolohiyang tinatawag na Artificial Intelligence (AI). Patindi nang patindi ang paggamit at pag-asa ng lahat sa mga namamayaning teknolohiya mula sa mga computer hanggang sa mga mobile phone at ngayon ang gamit na gamit na AI.
Malaking kabutihan ang maaaring gawin ng AI, ngunit malaking kapahamakan ang maaaring idulot nito. Gamit na gamit na ang AI sa giyera. Napakabilis ng paglikha ng iba’t ibang uri ng mga “kagamitang pangdigma,” lalo na ang mga armas na sumisira at pumapatay. Sa halip na gamitin ang talino para sa pagtatanggol at pagtataguyod ng buhay, gamit na gamit ito para sa pagsira at pagpatay na siyang pakay ng lahat ng giyera.
Tuloy-tuloy ang mga kagulat-gulat na pagbabago sa ilang bansa tulad ng Serbia, Brazil, Israel, Pransiya at Estados Unidos. Nangunguna sa mga pagkilos tungo sa pagbabago ang mga kabataan na malinaw ang pagkadismaya at pagkainip sa mapag-aksaya, mapanira, ‘di makatarungan at madalas nakakamatay na pamumuno. Ganun din ang ating mga kabataan sa darating na halalan, na sa kauna-unahang pagkakataon ang bubuo ng apatnapung porsyento (40%) ng mga botante. Sila, kaisa ang mga ate, kuya, nanay, tatay, tito, tita, lolo at lola, ang kumikilos at hinahanap ang mga magagaling at maaasahang pinuno.
Upang isalarawan ang tema ng Pandaigdigang Araw ng mga Dukha, magpupursisyon ang mga kinatawan ng mga pamayanan ng mga maralitang taga-lungsod sa Sabado ng umaga sa Parokya ng Maria, Ina ng Laging Saklolo. Pasan-pasan ang isang duyan (o kanlungan) sa balikat ng Obispo ng Cubao at tatlong pari na naglilingkod sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo, Project 8. Nakasakay sa duyan ang batang-batang mag-ina, batang nanay at dalawang buwang gulang na bata. Napapaligiran ng sariwang gulay at prutas ang bata. Pasan-pasan sa balikat ng tatlong pari at isang obispo (ng Cubao) ang dalawang kawayang sabitan ng duyan. Maglalakad ng halos isang kilometro ang mga dukhang parokyano ng Ina ng Laging Saklolo mula sa mga sityong tirahan ng mga maralitang taga-lungsod (Sitio Gaya-gaya; Bathala; Sitio Militar; Sinagtala at iba pa).
Masayang maglalakad ang lahat, taglay ang pangarap at pag-asa na magbabago at gaganda pa ang lahat. Matagal nang pinangakuan ng matinong pabahay, kabuhayan, maayos at mapayapang bansa. Kung sa mga namumuno lang napapako na ang mga pangako at inanod sa baha ng korupsiyon ang tiwala sa mga ito. Ngunit bubuhatin ang mga mahihina; aakayin ang mga sugatan, dadamayan ang mga nasa kulungan at tutulungan ang mga nakalaya na. Simula lang ito: ang paglalakbay ng lahat kasama ang mga dukha.
Makikita at madarama ngayon ang Pandaigdigang Araw ng mga Dukha sa mga taong nagbubuhat, umaalalay, nagtatanggol sa maliliit at dukha. Ngunit hindi lang ang bata at ang nanay ang taglay ng kanlungan. Ang bawat isa sa atin ay binuhat, sinakay din sa kanlungan ni Kristo na buhay na buhay. Literal na nakasakay ang lahat sa kanlungan ng kapatid at Inang Kalikasan sa kabila ng tuluy-tuloy at sari-saring krisis sa munting mundong ito. Salamat, salamat, O Panginoon at kalikasan. Kayo, ang kalikasan ang kanlungan naming lahat.





Comments