top of page

P2M multa at 20 yrs. kulong sa nagumpiska ng passport

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 8, 2024
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Oct. 8, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Ako ay kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang kasambahay dito sa Pilipinas, at ang aking pasaporte, na ginagamit ko bilang patunay ng aking pagkakakilanlan, ay nasa pangangalaga ng aking amo. Sa pagnanais kong mag-apply bilang isang overseas Filipino worker (OFW), nagpaalam ako sa aking amo na ako ay liliban sa trabaho upang sumubok mag-apply. Subalit, laking gulat ko nang tumanggi siyang ibigay sa akin ang aking pasaporte, na kailangan ko sa pagproseso ng aking aplikasyon. Tama bang hindi ibigay ng aking amo ang aking pasaporte? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat. — Kayle



Dear Kayle,


Patakaran ng Estado na protektahan ang konstitusyonal na karapatan ng mga tao sa paglalakbay habang tinitiyak ang pag-iisyu ng pasaporte o anumang dokumento sa paglalakbay alinsunod sa mga internasyonal na regulasyon at batas. 


Sa ilalim ng Seksyon 13 ng Republic Act (R.A.) No. 11983 o kilala bilang “New Philippine Passport Act”, ipinagbabawal ang sino man, maliban sa Department of Foreign Affairs (DFA), na kumpiskahin ang pasaporte ng isang tao. Ayon dito:


“Section 13. Ownership of Passports. - A Philippine passport remains at all times the property of the government and the same may not be confiscated by any entity or person other than the DFA.  Any other government agency, official or employee who confiscates a passport or travel document shall promptly turn over the same to the DFA.


Persons who confiscate or otherwise withhold a passport without authority therefor shall be punished in accordance with Section 22(a) of this Act.”


Ayon sa nasabing batas, ang pasaporte ay nananatiling pagmamay-ari ng gobyerno ng Pilipinas sa lahat ng oras at hindi maaaring kumpiskahin ng sinuman maliban sa DFA. Ang anumang ibang ahensya ng gobyerno, opisyal o empleyado na kumumpiska ng pasaporte o dokumento sa paglalakbay ay may responsibilidad na dapat agad itong isuko sa DFA.


Upang sagutin ang iyong katanungan, ang pagkumpiska ng iyong pasaporte ng iyong amo upang mapigilan ka na mag-apply sa ibang bansa ay ipinagbabawal ng ating batas. Ang DFA lamang, bilang ahensya ng gobyerno ang naatasan upang magpatupad ng mga patakaran ukol sa internasyonal na paglalakbay, ang may awtoridad na mangumpiska ng pasaporte.


Dagdag pa rito, maaaring maparusahan ng pagkakakulong na hindi hihigit sa 20 taon at multang hindi hihigit sa P2,000.000.00 ang sino mang mapatutunayan sa hukuman na nangumpiska ng pasaporte nang walang legal na awtoridad. Ayon sa Section 22 ng nasabing batas:


Section 22. Offenses and Penalties. - (a) Offenses relating to illegal withholding of passport; penalties. 


Any person or entity without legal authority who confiscates, retains, or withholds any passport issued by the DFA shall suffer the penalty of imprisonment of not less than twelve (12) years and one (1) day but not more than twenty (20) years. and shall pay a fine of not less than One million pesos (P1,000,000.00) but not more than Two million pesos (P2,000,000.00): Provided, That a prosecution under this Act shall be without prejudice to any liability for violation of Republic Act No. 8042 or the "Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995", as amended.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page