P11M multa sa may-ari ng gumuhong gusali sa Angeles City, mapunta sana sa pamilya ng mga nasawi, hindi sa bulsa ng mga kurakot
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 18, 2026

PAGMAMALASAKIT NI SEN. DELA ROSA SA 'DUTERTE BLOC' NASAYANG, KASI NAAGAW AGAD KAY SEN. ALAN CAYETANO ANG LIDERATO NG SENADO – Nasayang ang ipinakitang pagmamalasakit ni Sen. Ronald Dela Rosa sa “Duterte bloc” sa Senado nang isugal niya ang sariling kaligtasan para lamang makaboto. Sa kabila ng nakaambang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC), nagtungo pa rin siya sa Senado upang bumoto, na naging daan noon para maagaw kay Sen. Tito Sotto ang liderato at maitalaga ang pro-Duterte na si Sen. Alan Cayetano bilang Senate President.
Masasabing nasayang ang sakripisyong ito ni Dela Rosa dahil muli ring naagaw ng kampo ni Tito Sen. ang liderato sa Senado. Hindi rin nagtagal sa puwesto si Sen. Alan Cayetano at napatalsik bilang Senate President, habang si Sen. Sherwin Gatchalian na ngayon ang namumuno sa Senado. Boom!
XXX
KUNG DUMULOG AGAD SA SC SI SEN. ALAN CAYETANO, BAKA HINDI NAKA-MAGIC 13 ANG GATCHALIAN BLOC – Sa totoo lang, naging makupad si Sen. Alan Cayetano sa pag-aksyon kaya naagaw sa kanya ang liderato ng Senado.
Kung agad sana siyang dumulog sa Korte Suprema nang pumanig si Sen. Chiz Escudero sa Gatchalian bloc upang kuwestiyunin ang umano’y pag-agaw sa kapangyarihan sa
Senado, baka hindi na umalis sa kanilang hanay si Sen. Joel Villanueva. Kung nangyari iyon, maaaring hindi nabuo ang "magic 13" nina Sen. Gatchalian at Tito Sen, at kung pumabor pa sa kanya ang desisyon ng Korte Suprema, baka siya pa rin hanggang ngayon ang Senate President.
Ang problema, nang magsampa si Cayetano ng kaso sa Korte Suprema, nakapagdesisyon na si Villanueva na "tumalon sa bakod" at sumama sa Gatchalian bloc. Kaya nabuo na ang "magic 13" at naging balewala na rin ang kanyang inihaing petisyon dahil nakuha na ng kabilang kampo ang sapat na bilang ng boto para mailuklok si Gatchalian bilang Senate President. Tsk!
XXX
SANA SA PAMILYA NG MGA NASAWI SA GUMUHONG GUSALI MAPUNTA ANG MULTANG P11M AT HINDI SA BULSA NG MGA BUWAYA SA DOLE – Dahil sa pagguho ng isang 9-story building sa Angeles City na ikinasawi ng 13 construction workers, pinagmumulta ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng P11 milyon ang may-ari ng gusali.
Sana naman ay mapunta sa mga pamilya ng mga nasawing construction workers ang P11 milyong multa na iyan, at hindi sa bulsa ng mga kurakot sa DOLE. Period!
XXX
'TARA SYSTEM' SA PORT OF CEBU, GARAPALAN! – Garapalan daw ang umiiral na “tara system” o payola na tinatanggap ng ilang tiwaling opisyal ng Bureau of Customs mula sa mga smuggler sa Port of Cebu.
Dapat itong paimbestigahan ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno at kung mapatutunayang tumatanggap ng “tara” ang sinumang opisyal, agad niya itong sibakin sa puwesto. Boom!





Comments