top of page
SHEET Lisensiya, suspendido, nag-chopper pa-LTO… LACANILAO KAY GEO ONG- MAGING GOOD EXAMPL

Voucher Program, pinalawak mula kinder hanggang senior high

Writer: BULGAR
BULGAR
4 minutes ago
2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 24, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Isa nang ganap na batas Basic Education Voucher Assistance Act (Republic Act No. 12327) na isinulong ng inyong lingkod bilang isa sa mga co-sponsor at may akda. 


Sa ilalim ng batas na ito, palalawakin ang tulong ng pamahalaan sa mga mag-aaral sa pribadong paaralan sa lahat ng antas ng basic education, mula kindergarten hanggang senior high school. Ipapamahagi ang tulong na ito sa pamamagitan ng vouchers, kagaya nang ipinapatupad sa Senior High School Voucher Program.


Mahalaga ang batas na ito, hindi lamang dahil maaari nang maging mas abot-kaya para sa ating mga kababayan ang edukasyon mula sa mga pribadong paaralan. Matutugunan din nito ang mga hamong kinakaharap natin pagdating sa siksikan at kakulangan ng mga silid-aralan. Ayon sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), tinatayang 147,000 ang kulang na silid-aralan sa buong bansa. 


Sa pagtugon natin ng hamong ito at sa pagkamit ng layunin nating makapaghatid ng dekalidad na edukasyon, kinikilala natin ang papel ng mga pribadong paaralan bilang ating katuwang. Sa ilalim ng batas na ito, mapapatatag natin ang parehong pakikipagtulungan at suporta natin sa mga pribadong paaralan sa bansa.


Maliban sa pagpapalawak ng saklaw ng voucher program, nakasaad din sa batas ang pagsuporta sa mga mag-aaral na higit nangangailangan. Mas mataas ang halaga ng tulong pinansyal na matatanggap ng mga mag-aaral na nangangailangan at iyong mga nagmula sa mga low-income households, batay sa itatakda ng DepEd.


Itinakda rin ng batas kung paano bibigyang prayoridad ang pagpili sa mga benepisyaryo ng programa. Bibigyang-prayoridad ang mga mahihirap at low-income learners mula sa mga pampublikong paaralang tinukoy ng DepEd na may siksikan, gayundin ang mga mag-aaral mula sa mga lugar na walang malapit na pampublikong paaralan.


Tiniyak din nating meron tayong sapat na mga mekanismo upang maiwasan natin ang panlilinlang sa pamahalaan. Kung ating babalikan, hinarap natin ang mga isyu ng ghost students. Kaya naman titiyakin nating maiiwasan na natin ang ganitong mga insidente.


Aasahan nating agarang ilalabas ng Department of Education (DepEd) ang mga pamantayan para sa pagpapatupad ng batas na ito, lalo na’t umaasa tayo na marami tayong matutulungang mga mag-aaral at kanilang mga pamilya.




May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page