P10K allowance sa OJT, lusot na sa Kamara
- BULGAR

- 5 days ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | January 30, 2026

Sa wakas, kinikilala ng Kongreso ang matagal nang hinaing ng mga estudyante na dumaraan sa internship, practicum, at OJT na may mabigat na workloads ngunit walang bayad. Sa pagpasa ng House Committee on Higher and Technical Education sa House Bill No. 2778, o Student Internship Allowance Act, isang mahalagang hakbang ang ginawa upang maibsan ang pasaning ito ng libu-libong mag-aaral sa buong bansa.
Ayon sa panukalang batas, ang mga estudyanteng matagumpay na makakatapos ng kanilang kinakailangang internship, practicum, o OJT ay tatanggap ng ₱10,000 na one-time allowance. Nilalayon nitong tugunan ang gastusin sa pamasahe, pagkain, dokumentasyon, at iba pang araw-araw na bayarin habang nasa training. Hindi ito papatawan ng buwis, walang kaltas, at hindi maaaring ilipat sa ibang tao—buong-buo itong mapupunta sa estudyante.
Hindi ito ayuda; ito ay pagkilala na ang pagkatuto ay hindi nagtatapos sa loob ng silid-aralan. Ayon sa isang kawani ng House of Representatives, ang internship ang tulay patungo sa tunay na mundo ng trabaho. Ngunit sa kasalukuyang sistema, maraming estudyante ang napipilitang mangutang, magtiis, o minsan ay huminto dahil sa kakulangan ng pera.
Saklaw ng panukala ang mga estudyante mula sa pampubliko at pribadong higher education institutions na kinikilala ng CHED, pati na rin ang mga technical-vocational institutions na accredited ng TESDA. Ang pondo ay kukunin muna sa kasalukuyang badyet ng CHED at TESDA, at kalaunan ay isasama sa General Appropriations Act, na nagsisiguro ng institusyonal at pangmatagalang implementasyon.
Mahalaga ring tandaan na ang panukalang ito ay nag-ugat sa boses ng kabataan. Patunay ito na kapag pinakinggan ang karanasan ng mga nasa laylayan ng sistema, may konkretong reporma na nabubuo.
Ang Student Internship Allowance Act ay hindi lamang tulong sa estudyante kundi isang pamumuhunan sa kinabukasan ng mga manggagawa. Mas handa ang kabataan, mas handa ang bansa. Sana ay maisakatuparan nang maayos ang implementasyon nito.
Ang panukalang batas na ito ay paalala na ang edukasyon ay hindi dapat maging pribilehiyo lamang ng may kaya. Kapag tinutulungan ang estudyante na makatapos, tinutulungan din ang pamilya, komunidad, at ekonomiya. Sa ganitong mga hakbang, mas nagiging makatao ang batas at mas nagiging makabuluhan ang serbisyo ng pamahalaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments