P10B, iniwang utang ni ex-Mayor Honey sa Manila, pero ang iniwang utang noong 2022 ni Yorme Isko, P17B
- BULGAR

- Jul 6, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 6, 2025

TULOY ANG ‘DISMISSAL WITHOUT TRIAL’ KAY VP SARA KAPAG SI ESCUDERO ULI ANG NAGING SENATE PRESIDENT SA 20TH CONGRESS -- Kapag si Senate President Chiz Escudero ang nanalo uling Senate president sa 20th Congress sa pamamagitan ng majority votes ay asahan na ng Kamara at ng taumbayan ang “dismissal without trial” sa mga kasong impeachment ni Vice President Sara Duterte-Carpio.
Tiyak naman kasing masusunod ang sinabi ni Escudero noong June 25, 2025 na puwedeng ibasura ang mga “articles of impeachment” laban kay VP Sara sa pamamagitan ng simpleng majority votes ng mga senator-judges, boom!
XXX
SI ATONG ANG LANG ANG SUSPEK KAPAG MAY ‘NANGYARING MASAMA’ KAY EMIL SUMANGIL -- Nanawagan ang misis ni GMA broadcast journalist Emil Sumangil sa publiko na samahan siyang ipagdasal ang kaligtasan ng kanyang mister na buong tapang na seryeng nagbalita at nag-interbyu kay Julie Patidongan, alyas “Totoy” na humantong para malantad sa publiko na si Charlie “Atong” Ang ang mastermind umano na nagpapatay, nagpagarote (pinatay sa pamamagitan ng pagsakal gamit ang alambre) at nagpalubog sa Taal Lake sa mga missing sabungero.
Dahil sa panawagan na iyan ng misis ni Emil Sumangil ay kumalat na ngayon sa social media ang post ng mga netizens na “Protect Emil Sumangil.”
Sa totoo lang, hindi naman maiaalis kay Atong Ang na magalit nang todo kay Sumangil, pero dapat siyang makiisa sa “Protect Emil Sumangil” dahil kapag may ‘nangyaring masama’ sa broadcast journalist ay walang ibang pagbibintangan ang publiko kundi siya ang suspek, period!
XXX
‘SUNTOK SA BUWAN’ NA MAGING PRESIDENTE SI SPEAKER ROMUALDEZ, WALA SIYANG KARISMA SA PUBLIKO -- Nais ni Speaker Martin Romualdez ay maging permanente na ang P20 per kilong bigas sa mga Kadiwa Stores.
Kahit magawa pa ni Romualdez na maging permanente na ang P20 per kilong bigas ay “suntok pa rin sa buwan” na manalo siyang presidente kung kakandidato siya sa 2028 presidential election, sa kadahilanang wala siyang karisma sa publiko, boom!
XXX
INIWANG UTANG NI EX-MAYOR HONEY LACUNA SA MANILA P10B AT ANG INIWANG UTANG NAMAN NI YORME ISKO NOONG YEAR 2022 P17B -- Nag-boomerang kay Manila Mayor Isko Moreno ang mga atake niya kay former Mayor Honey Lacuna tungkol sa iniwang utang daw nito na P10 billion sa Manila local gov’t. unit (LGU).
Muli kasing kumalat sa social media ang inanunsyo ni Lacuna noong December 2024 na P17 billion ang iniwang utang ni Yorme Isko sa Manila LGU nang kumandidato ito sa pagka-presidente noong 2022 presidential election, period!







Comments