Online gaming na GoreBox, dapat nang i-ban sa ‘Pinas bago pa may sumunod na trahedya
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 25, 2026

‘PAG HINDI KUMANDIDATO SA PAGKA-PRESIDENTE SI MAYOR LENI ROBREDO, HINDI PA RIN PALA SURE SI SEN. RISA NA SUSUPORTAHAN SIYA NG LP – Sa isang media interview, sinabi ni Liberal Party (LP) President Erin Tañada na kung hindi kakandidato si Naga City Mayor Leni Robredo sa pagkapangulo sa 2028, mayroon pang tatlong posibleng ipanlaban ang kanilang partido sa presidential election—sina Sen. Risa Hontiveros, Sen. Kiko Pangilinan at Sen. Bam Aquino.
Malamang ay “nasaktan ang damdamin” ni Sen. Risa sa pahayag na iyan ni Tañada dahil ilang beses na niyang sinabi na handa siyang tumakbo sa pagkapangulo. Pero lumalabas ngayon na hindi pa pala tiyak na siya ang ipapanlaban ng LP, dahil kabilang din sina Sen. Kiko at Sen. Bam sa mga pinagpipilian ng partido para sa 2028 presidential election. Boom!
XXX
DAPAT TOTALLY I-BAN NA SA ‘PINAS ANG ONLINE GAMING NA GOREBOX – Ipinag-utos ng Cybercrime Investigation and Coordinating Council (CICC) ang pansamantalang pagbabawal sa online game na “GoreBox” matapos lumabas sa imbestigasyon na ang marahas na larong ito ang umano’y nakaimpluwensya sa isang 14-anyos na estudyante upang isama ang kanyang 15-anyos na kaibigan at magsagawa ng pamamaril sa loob ng San Juan National High School sa Tacloban City. Sa insidente, tatlong estudyante ang nasawi at 20 pa ang nasugatan.
Aba teka, bakit pansamantalang ban lang? Ang dapat sa larong ’yan ay tuluyan nang ipagbawal sa ‘Pinas. Period!
XXX
BAKA NAIWASAN ANG PAMAMARIL SA SAN JUAN NATIONAL HIGH SCHOOL KUNG NAGING ALERTO LANG SI DEPED SEC. SONNY ANGARA – Bago ang pamamaril ng dalawang Grade 9 students sa San Juan National High School sa Tacloban City, nauna nang nagkaroon ng dalawang insidente ng pananaksak sa mga paaralan sa Cavite. Sa isang private school, pitong mag-aaral ang nasugatan matapos silang pagsasaksakin ng isang babaeng estudyante na umano’y nakaranas ng matinding depresyon. Sa isang public school naman, isang lalaking estudyante ang sinaksak ng nakaalitan niyang kapwa estudyante.
Kung naging mas alerto sana si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara at agad na nag-utos sa lahat ng paaralan na higpitan ang seguridad at suriin ang mga bag ng mga mag-aaral matapos ang mga insidenteng ito sa Cavite, baka naiwasan pa ang pamamaril sa San Juan National High School. Tsk!
XXX
SA HALIP NA ATASAN NG GATCHALIAN BLOC ANG DEPED NA MAGDAGDAG NG SEKYU AT MAGLAGAY NG METAL DETECTORS SA MGA ISKUL, INUNA PA ANG PAGBABAWAL NG SOCMED SA MGA MINOR – Dahil sa insidente ng pamamaril sa San Juan National High School, nais ng Gatchalian bloc sa Senado na ipagbawal sa mga menor-de-edad ang paggamit ng social media.
Pambihira naman! Sa halip na gumawa ng resolusyon na aatas sa DepEd na maglagay ng mga sekyu na may metal detector sa mga paaralan, ang paggamit ng social media ng mga menor de edad pa ang napagdiskitahan. Pwe!





Comments