Ombudsman, matapang sa iba, pero tikom sa isyu kay Romualdez
- BULGAR

- 16 hours ago
- 2 min read
ni Ka Ambo @Bistado | March 24, 2026

Garapalan na ang paghahari-harian ng US at Israel.
Matapos, kubkubin ang Iraq, Afghanistan at Libya—pinakahuli ang Venezuela—at namumuro ang Cuba, ang Iran naman ngayon ang napagdiskitahan ng America.
-----$$$---
BRUSKO ang mga Kano.
Walang maaaring kumontra sa kanila—mali o tama man ang argumento ng mga kalaban.
-----$$$--
TEKA, inilalarawan naman ng ilang kritiko ang postura ng Ombudsman.
Inaakusahan kasi silang kinakampihan si ex-Speaker Martin Romualdez.
-----$$$--
May mga ebidensiya na direktang nagdadawit kay Romualdez partikular sa “Maleta issue, ”pero dinededma lang ito ng Ombudsman.
Eh, bakit?
-----$$$--
Kapag ang nasasabit ang mga senador sa isyu ng flood control projects at insertion–kuntodo press conference ang Ombudsman.
Pero, kapag si Romualdez, binibigyan-diin pa niya na walang “paper trail,” walang direct evidence,” o posibleng “negligence” lang.
He-he-he!
------$$$---
PAANO mangyayari ‘yun? Eh halos pare-pareho lang naman ang proseso at sources of information
Dapat ay patas-patas lang ang pag-appreciate ng ebidensiya—at dahil nasa proseso pa ng imbestigasyon—wala muna dapat “inaabsuwelto” o “nililinis” ang pangalan.
-----$$$--
KUMBAGA, walang exception.
Walang tinitignan o walang tinititigan!
-----$$$--
MARAMI ang nasorpresa nang biglang lumutang ang representante ng Tingog Partylist na idinidikit sa misis ni Romualdez.
Ayon sa kongresista, “walang liability” si Romualdez base umano sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) findings.
Pero hindi pa inilalabas sa publiko ang ICI report.
-----$$$--
NASA Ombudsman na ang ICI report, pero nakapagtatakang ibinunyag agad ng naturang party-list ang isyu kay Romualdez.
Paano nagkaroon ng access ang isang kaalyado sa isang hindi pa naisasapublikong report?
-----$$$--
MALINAW naman at maraming testigo ang lumutang tungkol sa “maleta-maletang pera.”
Katakot-takot ang testigo laban kay Romualdez, pero bakit hindi ipinoproseso nang maayos ang mga ebidensiya—upang matukoy kung wala ba talagang kaugnayan si Romualdez o mayroon man?
-----$$$--
MAS mainam sana kung iaabsuwelto man ng Ombudsman si Romualdez—ipakita o ilantad sa publiko ang proseso at mga inetsapuwerang ebidensiya.
Ipaliwanag din kung bakit hindi dapat paniwalaan ang mga testigo tulad ni Zaldy Co at kanyang mga security personnel.
-----$$$--
MAY mga nagtatanong: Ano ba ang standard ng hustisya sa Ombudsman?
Mahalagang maunawaan ito ng publiko.
-----$$$--
KUNG iaabsuwelto si Romualdez dapat ay kapani-paniwala at walang pagdududa.
Sa totoo lang, sa gitna ng krisis sa ekonomiya—kredibilidad ang kailangan ng gobyerno.
-----$$$--
KAPAG nasira ang kredibilidad ng Ombudsman dahil sa pagtatakip-takip sa mga tunay na utak ng katiwalaan—hihina at rurupok ang istruktura ng gobyerno.
Mawawalan ng patol at tiwala ang mamamayan—na siyang magbubunsod ng kaguluhan—at aktuwal na krisis sa hinaharap.
-----$$$---
KUNG seryoso ang Ombudsman sa laban kontra-korupsiyon, hindi puwedeng selective ang tapang.
Hindi dapat ito dinadaan sa palakasan.
-----$$$---
HINDI lang reputasyon ng isang opisyal ang nakataya rito, kundi ang kredibilidad mismo ng ating buong justice system.
Maunawaan sana ito ng lahat—sa gitna ng matinding pagdarahop!
Kapag dinedma ito ng kinaukulan—nakakatakot ang posibleng maganap!!!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.




Comments