top of page

‘No work, no pay’ sa mga pala-absent na cong., dapat isabatas na para magsipag pumasok

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 20 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 25, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MINAMALAS MAN NGAYONG YEAR 2026 ANG MAG-AMANG DUTERTE, BAKA SUWERTEHIN NAMAN SA YEAR 2028 KAPAG NAGING PRESIDENTE SI VP SARA – Matapos ang confirmation of charges ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) kaugnay ng kasong crimes against humanity, inanunsyo naman ng Kamara na sa March 2, 2026 ay sisimulan na ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.


Tila malas para sa mag-amang Duterte ang 2026, ngunit maaaring magbago ang kapalaran kapag naging presidente si VP Sara sa 2028. Abangan!


XXX


HINDI NASINDAK ANG DOJ SA 'VP SARA FOR PRESIDENT' DAHIL TULOY PA RIN ANG IMBESTIGASYON SA KASONG INCITING TO SEDITION AT GRAVE THREAT LABAN SA VP – Ayon kay Department of Justice (DOJ) Usec. Polo Martinez, kahit na nagdeklara si VP Sara na kakandidato siya sa pagka-presidente sa 2028, tuloy pa rin ang DOJ sa pag-iimbestiga sa mga kasong inciting to sedition at grave threats laban sa kanya. Ito ay kaugnay sa pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), First Lady Liza Araneta-Marcos, at former Speaker Martin Romualdez.


Iyan ang kagandahan ng DOJ ngayon — matatag at hindi natitinag, kahit pa si VP Sara ay nag-anunsyo na ng kandidatura. Palakpakan naman d’yan!


XXX


MAINAM NA HINDI PINAGBIGYAN NG KORTE ANG HIRIT NI CURLEE DISCAYA MAKALABAS NG SENATE DETENTION CELL, BAKA TULARAN PA NIYA SI ZALDY CO NA NAGTAGO SA IBANG BANSA – Ibinasura ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang "petition for certiorari" ni contractor Curlee Discaya, na layuning makalabas sa detention cell ng Senado. Ayon sa korte, may kapangyarihan ang mga senador na mag-contempt at ikulong ang mga resource person na nagsisinungaling sa mga senate investigation.


Mabuti na lang at ibinasura ang hirit ni Curlee Discaya. Kung napagbigyan siya, may posibilidad na tularan niya ang dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co, na nagtago sa ibang bansa, dahil sa dami ng perang na-scam niya at ng kanyang misis, si Sarah Discaya, mula sa kaban ng bayan. Period!


XXX


PANUKALANG 'NO WORK NO PAY' SA MGA KONGRESISTA, DAPAT MAISABATAS AGAD PARA MAGSIPAG PUMASOK ANG MGA BATUGANG CONG. – Dapat isa sa mga pangunahing prayoridad ng Kamara ang maipasa bilang batas ang panukala ni Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos na "no work, no pay" para sa mga kongresista.


Hindi katanggap-tanggap sa publiko na tumatanggap ng suweldo ang mga kongresista—na umaabot sa P293,000 kada buwan, bukod pa sa iba't ibang allowance—kahit pa pala-absent sila. Kapag naging batas na ang panukalang ito, tiyak na mas magiging masipag sa pagpasok sa Kamara ang mga kongresista. Boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page