top of page

“No return, no exchange”, bawal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 30, 2024
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 30, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Bumili ako ng charging cable sa isang stall sa may Recto. Pag-uwi ko ay ginamit ko ito upang i-charge ang aking cellphone. Sa kasamaang palad, hindi nadadagdagan ang baterya ng aking cellphone. Kinabukasan ay bumalik ako sa pinagbilhan ko upang ipapalit ang depektibong charging cable na aking nabili ngunit sinabihan ako ng nagbebenta sa stall na mayroon silang “no return, no exchange” policy at wala silang warranty. Ito diumano ay nakalagay sa kanilang resibo. Sinabi rin niya na wala naman diumanong depekto ang produktong aking nabili dahil sealed diumano ito noong kinuha ko. Nang dahil dito, hindi nila tinanggap ang depektibong charging cable. Tama ba ang ibinigay sa aking impormasyon ng nagbebenta? -- Juan 



Dear Juan,


Hindi tama ang sinabi ng nagbenta sa‘yo na hindi mo maaaring ipapalit ang depektibong charging cable na iyong nabili. Ang pagbebenta ng produkto ay may napapaloob na implied warranty na ang ibig sabihin ay ginagarantiya ng taong nagbenta ng produkto na walang nakatagong sira o depekto ang kanyang produkto. (Article 1547, Civil Code of the Philippines) Kung may nakatagong sira or depekto ang produkto, may pananagutan ang nagbenta nito sa taong kanyang pinagbentahan. (Article 1566, Civil Code of the Philippines) Ayon sa Rules and Regulations Implementing Republic Act No. 7394, ang implied warranty sa isang bagong produkto na ibinebenta ay hindi maaaring bumaba ng 60 araw. Nakasaad din dito ang pananagutan ng taong nagbenta ng isang depektibong produkto:


“Rule III. Minimum Standards of Warranties


Section 1. Minimum Standards for Warranties – For the warrantor of a consumer product to meet the minimum standards for warranty, he shall:


1.1 Remedy such consumer product within a reasonable time and without charge in case of a defect, malfunction or failure to conform to such written warranty;


1.2 Permit the consumer to elect whether to ask for a refund or replacement without charge of such of such product or part, as the case may be, where after reasonable number of attempts to remedy the defect or malfunction, the product continues to have the defect or malfunction.”


Sinasabi sa batas na nabanggit na ang nagbebenta ng isang produkto na may nakatagong sira o depekto ay may pananagutan na ayusin ito, o papiliin ang nakabili kung gusto niyang makakuha ng refund o replacement ng kanyang nabili. Samakatuwid, hindi tama ang sinabi ng nagbenta sa iyo ng charging cable na walang warranty ang depektibong charging cable.


Nakasaad din dito na kinakailangan lamang ipresenta ng mamimili ang warranty card o ‘di kaya ay ang resibo kasama ang depektibong produkto upang hilingin na isauli ang kanyang bayad o ‘di kaya ay palitan ang depektibong produkto. (Chapter III, Rule V, Section 1 of the Rules and Regulations Implementing Republic Act No. 7394)


Bukod dito, iyo ring nabanggit na mayroong nakalagay na “no return, no exchange” sa resibo na ibinigay sa‘yo. Mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng mga katagang “no return, no exchange” sa mga resibo. Hindi rin ito maaaring ipaskil sa tindahan o establisimyento na nagbebenta ng mga bagong produkto. Nakasaad sa Chapter 1, Rule 2, Section 7 ng Rules and Regulations Implementing Republic Act No. 7394, na:


“Section 7. Prohibition on the Use of the Words ‘No Return, No Exchange’ – The words ‘No return, no exchange,’ or words to such effect shall not be written into the contract of sale, receipt in sales transaction, in any document evidencing such sale or anywhere in a store or business establishment.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.






Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page