No permit, no rally; malayang pagpapahayag, ipatupad sana
- BULGAR

- Feb 23
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | February 23, 2026

Malaya ang publiko na magbigay ng hinaing, ngunit kasabay nito ang responsibilidad na pangalagaan ang kaayusan at kaligtasan ng lahat.
Sa paggunita ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25, malinaw ang paninindigan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na ipatutupad ang patakarang “no permit, no rally” bilang paghahanda sa inaasahang malalaking pagtitipon sa Metro Manila.
Ayon sa isang opisyal ng PNP, kinakailangan ang permit upang maayos na makapaghanda ang kapulisan sa seguridad at daloy ng tao, lalo na’t dalawang malalaking pagtitipon ang inaasahan sa araw ng anibersaryo. Bahagi ito ng pagsisikap na tiyakin ang kaligtasan ng publiko, mapanatili ang kaayusan sa kalsada, at maiwasan ang anumang insidente sa gitna ng sabayang pagkilos ng iba’t ibang grupo.
Sa kasalukuyan, tanging ang Trillion Peso March Movement ang nabigyan ng permit upang magsagawa ng programa sa White Plains sa Pebrero 25. Gayunpaman, may mga grupong nagpahayag na magpapatuloy sa kanilang kilos-protesta kahit walang pahintulot. Hayagang sinabi ng Koalisyong Makabayan na tutuloy sila sa EDSA, iginiit na ang diwa ng People Power ay hindi kailanman nangangailangan ng permit upang ipahayag ang tinig ng mamamayan.
Bilang tugon, inanunsyo ng NCRPO ang deployment ng 14,000 pulis upang magbantay at tiyakin ang kaligtasan hindi lamang sa EDSA kundi sa iba pang posibleng lugar ng pagtitipon sa buong Metro Manila.
Hindi rin umano ito upang supilin ang karapatan sa malayang pagpapahayag kundi upang maiwasan ang kaguluhan at protektahan ang mga kalahok.
Ang usapin ay hindi simpleng permit laban sa protesta. Ito ay banggaan ng dalawang mahalagang prinsipyo: ang kalayaan ng mamamayan at ang tungkulin ng estado na panatilihin ang kaayusan.
Ang People Power ay simbolo ng tapang at pagkakaisa. Para sa mga otoridad, ang seguridad at paghahanda ay hindi maaaring isantabi, lalo na sa panahong maraming sektor ang sabay-sabay na kikilos.
Sa paggunita ng People Power, mahalagang ipaalala na ang diwa nito ay hindi lamang nasa lansangan kundi sa responsable at mapayapang pagkilos. Mas nagiging makabuluhan ang kalayaan kapag sinasabayan ng disiplina. Kapag parehong kikilos ang mamamayan at pamahalaan nang may paggalang sa isa’t isa, mas nagiging matatag ang demokrasya—hindi lamang sa anibersaryo, kundi sa araw-araw na pamumuhay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments