Netizens kay Jinggoy Estrada, grand slam na raw sa 3 kasong plunder!
- BULGAR

- 10 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 30, 2026

INOKRAY NG NETIZENS SI SEN. JINGGOY KASI NAKA-GRAND SLAM NA RAW DAHIL NAKA-3 KASONG PLUNDER NA SIYA — Matapos sampahan ng Ombudsman ng kasong plunder sa Sandiganbayan si Jinggoy Estrada, inokray naman siya ng ilang netizens sa social media.
Ayon sa mga netizen, ito na umano ang ikatlong kasong plunder na kinasasangkutan ng senador. Dahil dito, may mga bumatikos at nagbiro pa na naka-“grand slam” na raw siya sa kasong plunder. Boom!
XXX
KAHIT PAYAGAN ANG TELECONFERENCING, TIYAK NA HINDI GAGAMIT NITO SI SEN. DELA ROSA DAHIL ALAM NIYANG ITO ANG MAGIGING DAHILAN PARA MAHULI SIYA — Kahit magtagumpay ang Senate majority sa pamumuno ni Alan Peter Cayetano na payagang makalahok sa pamamagitan ng teleconferencing ang mga senador na hindi makakadalo nang personal sa mga session at botohan sa Senado, malabong gamitin ito ng puganteng si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Bilang dating hepe ng PNP, alam umano ni Dela Rosa na maaaring magamit ang teleconferencing upang matukoy ng mga otoridad ang kanyang kinaroroonan. Posible rin itong maging daan upang siya ay maaresto at madala sa kulungan ng International Criminal Court kaugnay ng kinahaharap umano niyang kasong crimes against humanity. Period!
XXX
AKALA NI FORMER BUDGET SEC. AMENAH PANGANDAMAN LUSOT NA SIYA SA KASONG PLUNDER, HINDI PALA — Bukod kina Executive Secretary Ralph Recto at Health Secretary Ted Herbosa, kabilang din pala si former Budget Secretary Amenah Pangandaman sa kinasuhan ng plunder ni health advocate Dr. Tony Leachon kaugnay umano sa paglilipat ng P60 bilyong savings fund ng PhilHealth sa national treasury.
Akala siguro ni Pangandaman ay lusot na siya sa isyung ito, pero nadawit din pala siya sa kasong plunder. Boom!
XXX
P40K MONTHLY ALLOWANCE SA PAMILYA NG MGA MISSING SABUNGEROS, TATABLAHIN DAW NI ATONG ANG KAPAG NAABSUWELTO SIYA — Hindi dapat magpasilaw sa pera ng puganteng gambling tycoon na si Charlie “Atong” Ang ang pamilya ng mga nawawalang sabungero.
Nabunyag kasi na umano’y nagbibigay ang kampo ni Atong Ang ng P40,000 kada buwan sa ilang pamilya ng mga nawawalang sabungero kapalit ng hindi pagdalo sa mga pagdinig sa korte kaugnay ng mga kasong multiple murder at kidnapping na kinahaharap ng negosyante.
Dapat tandaan ng mga pamilya ng mga nawawalang sabungero na kung maabsuwelto si Atong Ang, malaki ang posibilidad na itigil na rin nito ang pagbibigay ng buwanang ayuda sa kanila. Kaya hindi dapat manaig ang pera kaysa paghahanap ng hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay. Period!





Comments