top of page

National Vision Screening Program para sa kindergarten

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 24, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ang anak ko ay nasa kindergarten ngayon, at ang isa sa mga napapansin ko ay pabata na nang pabata ang nagkakaroon ng sakit sa mata, tulad ng panlalabo ng paningin. May batas po ba tayo na nag-aatas na magkaroon ng programa para tutukan ang problema sa paningin ng mga bata? Salamat po. — Elisse Quijano





Dear Elisse Quijano,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 3 ng Republic Act (R.A.) No. 11358, o kilala sa tawag na "National Vision Screening Act," na nagsasaad na:


“Section 3. Establishment of a National Vision Screening Program. - A National Vision Screening Program (NVSP) is hereby established under the Department of Education (DepEd) which is primarily intended to screen the eye vision of kindergarten pupils.”


Nakasaad sa nabanggit na probisyon ng batas na ang National Vision Screening Program ay itinatag sa ilalim ng Department of Education (DepEd), na ang pangunahing layunin ay suriin ang paningin ng mga mag-aaral na nasa kindergarten.


Ang layunin ng National Vision Screening Program ay nakalahad sa Seksyon 4 ng nasabing batas at ito ay ang mga sumusunod:


“Section 4. Program Objectives. - The objectives of the NVSP are:


  1. To conduct a simple vision screening test on kindergarten pupils through trained teachers and health personnel and identify pupils with possible visual problems;

  2. To identify early childhood visual problems;

  3. To provide immediate attention to visually impaired kindergarten pupils and create referral system so that they may be checked and treated by eye care practitioners;

  4. To develop a vision screening results database for all kindergarten pupils;

  5. To conduct continuing research on the state of visual impairment among kindergarten pupils.”


Samakatuwid, may batas tayo na na nagtataguyod ng pagsusuri sa paningin ng mga mag-aaral na nasa kindergarten sa pamamagitan ng National Vision Screening Program sa ilalim ng DepEd. Ang nasabing programa ay base na rin sa polisiya ng ating gobyerno na protektahan at itaguyod ang karapatan sa kalusugan ng mga tao at itanim ang kamalayan sa kalusugan sa kanila. Kung kaya, kinakailangan magkaroon ng mga programa para itaguyod ang buong potensyal ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng mabuting paningin.  Magagawa ito sa paglikha ng mga paraan upang matugunan ang mga problema sa paningin, kabilang ang pagkabulag sa mga bata.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page