Nakatuklas sa ‘ghost’ projects si PBBM pa hindi ang DPWH, kaya dapat sibakin na si Sec. Bonoan
- BULGAR
- 15 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 27, 2025

KUNG HINDI IBINULGAR NI SEN. LACSON NA SANGKOT SA KATIWALIAN SI DIST. ENGR. ALCANTARA, AT KUNG HINDI RIN IPINA-ENTRAP NI CONG. LEVISTE SI DIST. ENGR. CALALO, MALAMANG NASA PUWESTO PA ANG 2 ‘KURAKOT’ SA DPWH -- Kung hindi pa ibinulgar ni Sen. Ping Lacson sa kanyang privilege speech na sangkot umano sa katiwalian sa mga ghost project at substandard na flood control projects sa 1st district ng Bulacan si Dept. of Public Works and Highways (DPWH)-Bulacan District 1 Engr. Henry Alcantara ay hindi pa ito sisibakin ni DPWH Sec. Manuel Bonoan, at kung hindi ipina-entrap ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang tangkang manuhol sa kanya na si DPWH-Batangas District 1 Engr. Abelardo Calalo ay hindi pa ito sisibakin ng DPWH secretary.
Ang nais nating ipunto rito ay dapat nang ibulgar ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang top 15 contractors na nakakopo ng sangkatutak na flood control projects, at kasunod ay ang pagbubulgar ng Presidente sa mga substandard, iniwang mga nakatengga at ‘ghost’ projects ng mga kontraktor patungkol sa mga proyektong pangontra sa baha, ang dapat namang ginawa ni Sec. Bonoan ay agad-agad nagsagawa ng imbestigasyon at pinagsisibak ang mga DPWH-district engineers na sangkot sa mga anomalya, pero hindi ito nangyari. Kaya’t mabuti na lang may Sen. Lacson na nagbulgar ng ‘katiwalian’ ni Engr. Alcantara, at may Cong. Leviste na nagpa-entrap kay Engr. Calalo kasi kung walang nangyaring ganito, malamang nasa puwesto pa ang dalawang ‘kurakot’ na district engineer ng DPWH, period!
XXX
FLOOD CONTROL ‘GHOST’ PROJECT SA BULACAN SI PRESIDENTE PA NAKATUKLAS AT HINDI ANG DPWH HEAD, KAYA DAPAT SIBAKIN NA NI PBBM SI SEC. BONOAN -- Hindi si DPWH Sec. Bonoan kundi si PBBM ang nakatuklas sa flood control "ghost" project ng SYMP Construction Trading na pag-aari ni Sally Nicolas Santos sa Baliwag City, Bulacan.
Dapat talagang sibakin na ni PBBM si Sec. Bonoan at pagkaraan ay imbestigahan din ito sa flood control project scams, kasi mantakin n’yo, Presidente pa ang nakatuklas ng “ghost” project na flood control at hindi ang DPWH secretary, boom!
XXX
ASAHAN NA NG KAMARA NA MABA-BASH NG NETIZENS KAPAG HINDI ISINAMA SA IMBESTIGASYON ANG MGA CONG. NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM -- Tiniyak ng Kamara na magiging transparent at patas ang isasagawa nilang imbestigasyon tungkol sa flood control project scam.
Kapag pati ang mga kongresistang nasasangkot sa flood control projects scam ay inimbestigahan din ng House Committee on Public Accounts na pinamumunuan ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon at pagkaraan ay inirekomendang sampahan sila ng kaso sa Ombudsman ay tiyak hahanga ang publiko sa Kamara, pero kung hindi isasama sa imbestigasyon ang mga cong. na sangkot sa katiwaliang ito, asahan na nilang puputaktihin sila ng pamba-bash ng netizens sa social media, period!
XXX
HABANG NAGPAPABIDA SI YORME ISKO SA PAGGIBA SA MGA NAKAHAMBALANG SA MGA BANGKETA, PATULOY NAMANG NAMAMAYAGPAG ANG ‘LOTTENG’ SYNDICATE SA MANILA -- Habang nagpapabida si Mayor Isko Moreno sa pagpapagiba ng mga nakahambalang sa mga bangketa sa Maynila, patuloy namang namamayagpag ang "lotteng" syndicate nina "Boy Abang," "Lorna," "Paknoy," "Dani Bukol," "Anna," " Prades," "Tonton," "Lando," "Tata Ber" at "Simbulan" sa lungsod.
‘Ika nga, hindi lang mga nakahambalang sa bangketa ang dapat gibain ni Yorme Isko, kundi pati "lotteng" syndicate na nangraraket sa mga residente ng lungsod, boom!
Comments