top of page

Nagastos sa kampanya, masasayang kung ipagpapaliban ang BSKE election

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 20, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MALAKING KAHIHIYAN SA ‘PINAS KAPAG TOTOO ANG SINABI NI HARRY ROQUE NA HINDI ARESTADO SI ZALDY CO – Matapos i-vlog ni dating presidential spokesman Harry Roque na fake news umano ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) na nahuli na si dating Cong. Zaldy Co sa Czech Republic, tila nanahimik ang Malacañang sa isyu ng umano’y pagkakaaresto sa dating kongresista.


Kung mapatutunayang tama ang pahayag ni Roque na hindi pa talaga nahuhuli si Zaldy Co, posibleng magdulot ito ng kahihiyan sa administrasyon, lalo na kung ang opisyal na anunsiyo ng gobyerno ay hindi tumutugma sa aktwal na sitwasyon. Boom!


XXX


KUNG TOTOONG ARESTADO NA SI ZALDY CO, DAPAT GAWIN NG MARCOS ADMIN LAHAT NG PARAAN PARA MAIBALIK ITO SA ‘PINAS – Kung totoo na naaresto na sa Czech Republic si Zaldy Co, dapat gawin ng Marcos administration ang lahat ng makakaya upang maibalik ang kongresista sa Pilipinas.

Kapag nasa bansa na siya, mas magiging posible na masusing maimbestigahan ang mga alegasyon at malaman ng taumbayan kung sino ang posibleng nasa likod ng tinutukoy na flood control scandal.


Gayunman, kung magpasya ang Czech Republic na i-deport siya sa Portugal at hindi sa Pilipinas, maaaring magdulot ito ng pagdududa sa publiko at hinala na may pagtatangkang itago o protektahan ang mga sangkot sa isyu. Period!


XXX


VP SARA MAKALUSOT MAN SA IMPEACHMENT SA SENADO, MALAMANG SA OMBUDSMAN WALA SIYANG LUSOT SA KASONG PLUNDER – Sa Senado na tatayong impeachment court, posibleng maapektuhan ang magiging resulta dahil sa bilang ng mga pro-Duterte senators, kaya may mga nagsasabing maaaring maabsuwelto si Vice President Sara Duterte sakaling doon ito umusad.


Gayunman, sa usapin sa Office of the Ombudsman at iba pang legal na proseso, mas nakatuon ito sa ebidensya at dokumento, kaya mas bukas ang posibilidad ng masusing pagbusisi sa kanyang mga isyu.


Isa sa mga tinutukoy dito ay ang naging desisyon ng Commission on Audit (COA) na inaatasan si VP Sara na isauli sa kaban ng bayan ang mahigit P75 milyon na confidential funds, matapos umanong hindi sapat na maipaliwanag kung paano ito ginastos o nagamit.


Dahil dito, lumilitaw na kung mapapatunayang may iregularidad sa paggamit ng naturang pondo at may kasong maisasampa, maaari itong umabot sa kasong plunder. Ngunit sa ngayon, nananatiling isyu ito na nakabatay sa mga ulat at proseso pa ng pagdinig at imbestigasyon. Period!


XXX


MALAMANG NAGNGINGITNGIT SA GALIT ANG MGA 'CHALLENGER' SA BSKE, KASI ANG LAKI NA NG GASTOS NILA, TAPOS MAY PLANO ULI NA IPAGPALIBAN ANG HALALAN – Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro, pabor umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa posibleng pagpapaliban ng nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2026. Layunin umano nito na mailaan muna sa ayuda sa mga mamamayang apektado ng krisis sa langis ang pondong nakalaan para sa naturang halalan.


Inaasahang magdudulot ito ng iba’t ibang reaksyon, lalo na mula sa mga kandidatong naghahanda na para sa BSKE, dahil maaaring maapektuhan ang kanilang mga plano at ginastos sa kampanya at pakikipag-ugnayan sa kanilang mga nasasakupan sakaling muling maantala ang halalan. He-he-he!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page