Multa sa paglalakad ng aso nang walang tali
- BULGAR

- 4 days ago
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 20, 2026

Dear Chief Acosta,
Madalas maglakad ang kapitbahay ko kasama ang kanyang aso nang walang tali sa aming subdivision. Isang beses, nang makita ko siya sa kalsada namin, magalang ko siyang hiniling na itali ang kanyang aso dahil kasama ko ang maliliit kong mga anak at baka aksidenteng makagat sila ng aso. Gayunpaman, natawa lamang siya sa alalahanin ko, at sinabi na sanay ang kanyang aso at hindi ko dapat ipag-alala dahil hindi ito mananakit. Tama ba ang sinabi ng kapitbahay ko? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat po. — Hermie James
Dear Hermie James,
Itinataguyod ng gobyerno ang karapatan ng bawat Pilipino sa kalusugan. Kaugnay nito, nagtayo ng sistema para kontrolin at pigilan ang pagkalat ng rabies sa tao at hayop, at maituro ang responsableng pag-aalaga ng mga alagang hayop.
Ang Republic Act (R.A.) No. 9482, na kilala rin bilang “Anti-Rabies Act of 2007,” ay nagsasaad na:
“SECTION 5. Responsibilities of Pet Owners. — All Pet Owners shall be required to:
(a) Have their Dog regularly vaccinated against Rabies and maintain a registration card which shall contain all vaccinations conducted on their Dog, for accurate record purposes.
(b) Submit their Dogs for mandatory registration.
(c) Maintain control over their dog and not allow it to roam the streets or any public place without a leash.
(d) Be a responsible Owner by providing their Dog with proper grooming, adequate food and clean shelter.
(e) Within twenty-four (24) hours, report immediately any Dog biting incident to the Concerned Officials for investigation or for any appropriate action and place such Dog under observation by a government or private veterinarian.
(f) Assist the Dog bite victim immediately and shoulder the medical expenses incurred and other incidental expenses relative to the victim’s injuries.”
Batay sa nabanggit na probisyon ng batas, malinaw na kahit sanay o hindi sanay ang aso, may pananagutan ang may-ari ng alagang hayop na kontrolin ang kaniyang aso at hindi pahintulutang gumala sa kalsada o anumang pampublikong lugar nang walang tali.
Kaya naman, bilang may-ari ng aso, ipinagbabawal ng batas na hayaan ng iyong kapitbahay na gumala ang kanyang aso sa anumang pampublikong lugar, kabilang ang mga kalsada sa inyong subdivision, nang walang tali. Hindi ito nakadepende sa kung sanay o hindi sanay ang kanyang aso.
Ang sinumang may-ari ng aso na lalabag sa batas na ito ay mahaharap sa multa. Ayon sa Seksyon 11(5) ng kaparehong batas:
“SEC. 11. Penalties. –
(5) Pet Owners who refuse to put leash on their Dogs when they are brought outside the house shall be meted a fine of Five hundred pesos (P500.00) for each incident.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments