top of page
Search
  • BULGAR

Multa at kulong sa pagparada sa pribadong daan

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 28, 2022


Dear Chief Acosta,


Mayroon akong sasakyan na nakaparada sa pribadong daanan ng aking tirahan na nakaharap sa pampublikong kalsada. Palaging pumaparada ang sasakyan ng aking kapitbahay sa harapan ng aking tirahan, kaya palaging nahaharangan at hindi makalabas ang aking sasakyan. Nagreklamo ako sa kanyang ginagawa. Ang katwiran niya ay wala siyang ginagawang mali dahil sa pampublikong kalsada siya nakaparada at hindi sa pribadong daanan ko. Tama ba ang aking kapitbahay? - Mary Rose

Dear Mary Rose,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Section 46 ng Republic Act No. 4136 o mas kilala sa tawag na “Land Transportation Code” kung saan nakasaad na:


“Section 46. Parking prohibited in specified places. – No driver shall park a vehicle, or permit it to stand, whether attended or unattended, upon a highway in any of the following places:

(a) Within an intersection

(b) On a crosswalk

(c) Within six meters of the intersection of curb lines

(d)Within four meters of the driveway entrance to and fire station

(e) Within four meters of fire hydrant

(f) In front of a private driveway

(g) On the roadway side of any vehicle stopped or parked at the curb or edge of the highway

(h) At any place where official signs have been erected prohibiting parking.” (Binigyang-diin)


Samakatwid, walang sinuman ang dapat magparada ng sasakyan sa lansangan sa harap ng pribadong daanan. Dahil dito, mali ang katwiran ng iyong kapitbahay dahil labag sa nabanggit na batas ang pagparada niya ng kanyang sasakyan sa harap ng iyong pribadong daanan kahit ito ay nasa pampublikong kalsada na.


Ang kaparusahan sa paglabag sa nasabing probisyon ng batas ay matatagpuan sa Section 56 (g) at (m), kung saan nakasaad na:


“Section 56. Penalty for violation. – The following penalties shall be imposed for violations of this Act:

xxx

(g) Violation of Section thirty-two, Thirty-four (a), (b) and (b-1), thirty-five and forty-six a fine not exceeding one hundred pesos; Provided, however, That in case of violation of Section 34 (b) the vehicle or vehicles affected may not be allowed to operate unless the requirements provided in this section are complied with;


xxx


(m) In the event an offender cannot pay any fine imposed pursuant to the provisions of this Act, he shall be made to undergo subsidiary imprisonment as provided in the Revised Penal Code.” (Binigyang-diin)


Kaugnay nito, ang nasabing multa ay itinaas sa ₱1,000, alinsunod sa Aytem I J(1) ng Joint Administrative Order No. 2014-01 ng Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.


Batay sa nabanggit, ang taong magpaparada ng sasakyan sa lansangan sa harap ng pribadong daanan ay maaaring pagmultahin ng ₱1,000. Dagdag pa rito, maaaring magsanhi rin ito ng pagkakakulong kung hindi mababayaran ng taong lumabag ang ipinataw na multa sa kanya.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page