Modus sa ayuda gamit ang online platform, aksyunan
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | March 26, 2026

Mag-isip ng tama bago basta maniwala sa mga “ayuda” na dumarating sa pamamagitan ng text—lalo na kung ito’y may kasamang link at pangakong mabilisang pera.
Sa panahong gipit ang marami, mas madaling kumagat sa ganitong patibong, kaya naman dito rin mas nagiging aktibo ang mga manloloko na sinasamantala ang desperasyon ng taumbayan.
Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development laban sa kumakalat na pekeng online applications para sa fuel assistance.
Sa advisory nito, nilinaw ng ahensya na hindi totoo ang mga text message na nag-aalok ng cash aid o e-fuel vouchers gamit ang kanilang pangalan.
Ayon sa DSWD, walang ipinapadalang anumang link o online application para sa financial assistance, at ang ganitong mga mensahe ay bahagi ng panlilinlang upang makakuha ng personal na impormasyon.
Lumabas ang babala kasabay ng aktuwal na pamamahagi ng cash relief sa mga public transport drivers, dahilan upang samantalahin ng mga scammer ang sitwasyon.
Sa ilang kumakalat na mensahe, sinasabing kwalipikado ang recipient sa P3,000 e-fuel voucher at hinihikayat itong i-click ang link upang makuha ang ayuda. Ngunit sa likod nito ay malinaw na modus—phishing na naglalayong makuha ang sensitibong datos ng biktima.
Binigyang-diin ng ahensya na ang tunay na pamamahagi ng ayuda ay ginagawa nang personal at sistematiko.
Nakabatay ito sa listahang isinumite at beripikado ng mga local government units, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at transport network companies. Dahil sa ganitong paraan, masisiguro na ang tulong ay mapupunta sa tamang benepisyaryo at maiwasan ang anumang iregularidad.
Mahigpit din ang paalala ng ahensya sa publiko na huwag i-click ang anumang kahina-hinalang link at huwag magbahagi ng personal na impormasyon.
Sa panahon ngayon, hindi na lang pisikal na krimen ang dapat bantayan, dahil pati digital na panlilinlang ay lumalawak at mas nagiging mapanlinlang.
Ipinapakita nito kung gaano kadaling manipulahin ang impormasyon at kung gaano kahalaga ang pagiging mapanuri.
Habang sinusubukan ng gobyerno na tumulong sa pamamagitan ng ayuda, may mga indibidwal namang handang sirain ito para sa pansariling interes.
Kung tutuusin, ang laban kontra-scam ay hindi lamang responsibilidad ng gobyerno kundi ng bawat mamamayan.
Ang simpleng pag-iingat at tamang pag-iisip ay maaaring maging sandata laban sa panlilinlang.
Sa mundong puno ng digital traps, ang pagiging mapagmatyag ang tunay na proteksyon ng taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments