Modernong polisiya at hindi bulok na sistema
- BULGAR

- Jan 15
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | January 14, 2026

Balanse ang dapat na umiiral sa lansangan, lalo na matapos ipatupad ng Department of Transportation (DOTr) ang memorandum na nagbabawal sa pagkumpiska ng lisensya ng mga traffic violator.
Tila makatao at moderno ang tunog ng polisiya. Ngunit sa aktuwal na karanasan ng mga motorista at enforcer, nagiging mabigat itong pasanin dahil kulang pa ang sistemang sasalo sa pagbabagong ito.
Nagbabala ang mga digital advocate na maaaring humina ang pagpapatupad ng batas-trapiko dahil inalis ang isa sa pinakamatibay na sandata ng Land Transportation Office (LTO). Ayon sa Digital Pinoys, wala pang sapat at maaasahang teknolohiyang kapalit ang pisikal na pagkumpiska ng lisensya.
Sa kasalukuyan, hindi pa ganap na digital ang traffic enforcement system ng bansa. Kulang ang real-time database, handheld verification devices, at konektadong digital platforms na magagamit mismo sa kalsada. Sa ganitong setup, umaasa ang enforcer sa mga prosesong ginagawa lamang matapos ang paghuli sa traffic violators. Ibig sabihin, sa oras ng aktuwal na paglabag, hindi agad natitiyak kung tunay ang lisensya ng motorista o kung ito ay dapat nang masuspinde.
Ang ganitong kalagayan ay nagbubukas ng pinto sa hindi pantay na pagpapatupad ng batas, pagdami ng repeat offenders, at mas mataas na panganib sa kaligtasan sa daan. Giit ng Digital Pinoys, hindi maaaring balewalain ng memorandum ang mga parusang malinaw na nakasaad sa umiiral na batas. Kapag pinahina ang kapangyarihan ng mga ahensiyang dapat magpanatili ng kaayusan, ang talo ay hindi lamang ang enforcer kundi ang karaniwang mamamayang nais makauwi nang ligtas.
Para sa maraming motorista, ang maayos na traffic enforcement ay hindi nagpapabagal o nagpapahirap sa trapiko kundi proteksyon para sa lahat. Disiplina sa kalsada ang puhunan ng buhay, oras, at kabuhayan. Kung nais ng pamahalaan ng digital na solusyon, kailangan itong sabayan ng sapat na pondo, malinaw na sistema, at konkretong modernisasyon ng LTO.
Ang solusyon ay hindi pagtanggal ng parusa kundi pagpapatibay ng sistema. Ang teknolohiya ay dapat nagsisilbi sa tao, hindi dahilan para humina ang batas. Kapag balanse ang polisiya at kakayahan ng gobyerno, mas ligtas ang kalsada at mas kampante ang mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments