top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Mobile alerts sa panahon ng bagyo o anumang sakuna

  • BULGAR
  • Apr 25, 2021
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | April 25, 2021



Mapapansin natin nitong panahon ng pandemya ay nakatatanggap tayo ng mga mensahe kung saan tayo ay pinag-iingat. Sa panahon naman ng kalamidad tulad ng unos, bagyo, pagbaha o lindol ay nakatatanggap din tayo ng mga mensahe sa mga cellular phones mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).


Ang pagpapadala ng mga mensaheng ito ay bilang pagtugon ng mga namamahala ng ating komunikasyon sa mga probisyon ng Republic Act (R. A.) No. 10639, o mas kilala sa titulong “The Free Mobile Disaster Alerts Act.”


Ang batas na ito ay bilang pagtugon sa polisiya ng pamahalaan na sa lahat ng panahon ay bigyan ang mamamayan ng proteksiyon sa pagdating ng mga kalamidad, natural man ito o gawa ng tao. Kasama rito sa pagbibigay ng babala sa bawat mamamayan sa anumang paparating na kalamidad, unos o delubyo upang maiwasan ang pagkawala ng buhay, ari-arian at pagkasira ng mga kabuhayan. Isa sa mga naisip ng pamahalaan na uri ng pagbibigay-babala ay ang pagpapadala ng mensahe ng mga telecommunications service providers na magpadala ng libreng mobile alerts sa panahon ng kalamidad.


Sa mga nakalipas na panahon, marami sa ating mga kababayan ang nasalanta ng mga kalamidad. Marami ang nasaktan at nawalan ng kabuhayan dahil sa hindi naging handa sa kalamidad. Sa panahon ng mga kalamidad tulad ng unos, bagyo at ng iba pang uri ng kalamidad, kinakailangang maging handa ang bawat mamamayan upang maiwasan ang pagkawala ng buhay at pagkasira ng kabuhayan.


Nakapaloob sa “The Free Mobile Disaster Alerts Act” ang tungkulin ng mga telecommunications service providers na magpadala ng libreng mensahe sa mamamayan upang bigyan sila ng babala sa panahon ng kalamidad. Ito ay sa pamamagitan ng basic mobile phone services. Ayon sa batas, ang basic mobile services ay nagpapatungkol sa short messaging service (SMS) o text messaging at voice calls.


Ayon sa Section 4 ng R.A. No. 10639, kapag mayroong paparating na bagyo, tsunami o iba pang uri ng kalamidad, ang mga mobile phone service providers ay may obligasyong magpadala ng mensahe ng alerto sa regular na pagitan ayon sa patakaran ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) o Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOLCS). Ang alertong ito ay bubuuin ng impormasyon mula sa mga ahensiyang nabanggit na direktang ipadadala sa mga telepono ng mga subscribers na malapit o nasa lugar ng mga apektado ng kalamidad. Kasama sa mga alertong ito ang mga numero ng mga kaukulang ahensiya at lokal na pamahalaan na kinakailangang magbigay ng responde sa sitwasyon. Ang mga alertong ito ay libre at walang kabayaran.


Ang sinumang magbigay ng maling impormasyon at magpeke ng materyal na impormasyon ay maaaring maparusahan ng pagkabilanggo ng hindi bababa sa dalawang buwan at hindi hihigit sa anim na buwang pagkabilanggo at pagbabayad ng multa na hindi bababa sa P1,000 subalit hindi hihigit sa P10,000.


Kapag ang gumawa sa mga nasabing ipinagbabawal na gawain ay korporasyon, ang multa ay pagbabayad ng mula P1,000,000 hanggang P10,000,000 o kaya ay ang pagkakansela ng prangkisa at iba pang lisensiya nito na iginawad ng National Telecommunications Commission (NTC).


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page