top of page

Minority report, tinawag na “basura” nina Sotto at Lacson, na-bash tuloy ng netizens!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 20 minutes ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 23, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PINUTAKTE NG PAMBA-BASH SINA TITO SEN AT SEN. PING KASI TILA SILA ANG WALANG RESPETO SA MGA KAPWA NILA SENADOR, AT HINDI SINA SEN. IMEE AT SEN. MARCOLETA – Tinawag nina Senate President Tito Sotto at Senate Pro Tempore Ping Lacson na kawalan ng respeto sa Senado at sa Senate Blue Ribbon Committee ang minority report na isinapubliko nina Sen. Imee Marcos at Sen. Rodante Marcoleta, na nagsasangkot kina Leyte Rep. at dating Speaker Martin Romualdez, dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, at isang hindi pinangalanang itinuturing na mastermind sa flood control scandal.


Ngunit sa mata ng publiko, sina Sotto at Lacson ang lumalabas na walang galang sa kanilang kapwa senador, partikular sa mga miyembro ng minority bloc. Ang nararapat sana nilang ginawa ay tanggapin ang minority report, pag-aralan nang mabuti ang nilalaman nito, at isabay ang pagtalakay nito sa plenaryo kasabay ng paglalabas ng opisyal na committee report ng Senate Blue Ribbon Committee.


Dahil tinawag pa nilang “basura” ang minority report ng grupo nina Sen. Imee at Sen. Marcoleta, inulan tuloy sina Sotto at Lacson ng batikos mula sa mga netizen sa social media. Period!


XXX


SINUWERTE MAN SI SEN. VILLANUEVA SA AQUINO AT DUTERTE ADMIN, TILA MAMALASIN NAMAN SIYA SA MARCOS ADMIN – Kung sinuwerte si Sen. Joel Villanueva sa administrasyong Aquino—dahil bagama’t kabilang siya sa mga nakasuhan ng graft kaugnay ng pork barrel scam ay hindi siya nakulong—at kung sinuwerte rin siya sa administrasyong Duterte nang tuluyan siyang mapawalang-sala ng noo’y Ombudsman Samuel Martires, tila kabaligtaran naman ang kapalaran niya sa ilalim ng administrasyong Marcos.


Tatlong magkakahiwalay na kaso ng malversation of public funds at falsification of public documents ang isinampa laban sa kanya at sa mga kasabwat na opisyal ng DPWH, at pawang no bail ang mga kasong ito. Saklap!


XXX


MALI ANG AKALA NG MAG-ASAWANG DISCAYA NA HINDI MABABAWI NG GOBYERNO ANG IN-SCAM NILA SA KABAN NG BAYAN, MAY POWER ANG PAMAHALAAN NA BAWIIN LAHAT NG MGA KINULIMBAT NILA – Mas pinili ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ang makulong kaysa maging state witness sa pamamagitan ng pagsasauli sa pamahalaan ng perang in-scam nila mula sa kaban ng bayan.


Kung inaakala ng mag-asawa na kahit mabulok sila sa kulungan ay hindi na mababawi ang bilyun-bilyong pisong kanilang kinulimbat, nagkakamali sila. May kapangyarihan ang gobyerno na kumpiskahin ang lahat ng ari-ariang nakuha mula sa pera ng bayan. Boom!


XXX


KAILAN KAYA MAGKAKAROON NG POLITICAL WILL SI GOV. ARAGONES AT KAMAY NA BAKAL SI PD COL. YUPIO PARA MAPA-STOP ANG MGA RAKET SA LAGUNA? – Kung dati ay sina alyas “Mang Mon,” “Toce,” at “Alvarez” lamang ang nag-o-operate ng mga raket na STL-bookies, lotteng, at Ez-2 sa Laguna, ngayon ay nadagdagan pa raw ang mga ilegalistang sangkot sa parehong gawain—sina alyas “Venir,” “Aris,” “Lade,” “Tita,” “Anton,” “Onad,” at “Jolem.”


Nakapagtataka na imbes na magsagawa ng mahigpit na aksyon sina Laguna Gov. Sol Aragones at Police Provincial Director Col. Jonar Yupio upang mapatigil ang mga raket na ito sa kanilang nasasakupan, ay lalo pa raw dumami ang mga ilegalista sa lalawigan.

Kailan kaya magkakaroon ng political will si Gov. Aragones at ng kamay na bakal na pagpapatupad ng batas mula kay Col. Yupio upang tuluyan nang mapahinto ang STL-bookies, lotteng, at Ez-2 sa kanilang hurisdiksiyon? Abangan!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page